PUSTISO? Nagpapahanap ka sa akin ng pustiso, Tatiana, anak?” paniniyak ni Sofia.
“Opo, Mommy. Pustiso as in FALSE TEETH, artipisyal na ngipin ng mga taong tulad mo”.
“Pero, para saan? Ano’ng paggagamitan mo, Tatiana?”
“Mommy, ako mismo ang gagamit. Hirap na hirap po akong makipaghalikan kay Dexter. Takot akong masugatan siya ng matutulis kong ngipin at pangil”.
Nagpakahinahon si Sofia, hinahanap ang pang-unawa sa napakakontrobersyal na anak.
“Okay, naiintindihan na kita. Pero merong problema—hindi ka puwedeng magpasukat ng pustiso sa dentist”.
“Dahil makikita ng dentist ang deadly teeth ko, Mommy, at matatakot siya?”
“Sakto, anak”.
“Kung gano’n, magdala ka na lang dito sa bahay ng taong nakapustiso. Ako na po ang bahala sa iba pa”.
Hindi makatutol si Sofia, alam na mapanganib kung bibiguin ang gusto ng anak. “S-sige, papupuntahin ko dito ngayundin si Manong Emong”.
Si Manong Emong ay matanda na nagtitinda ng sigarilyo sa kanto. Nakapustiso ito, pundar ng mga anak.
Sinundo ni Sofia sa kanto si Manong Emong, isinama sa bahay.
“Pakihubad lang po ang pustiso n’yo, manong. Titingnan lang daw po ng pamangkin kong nag-aaral ng dentistry,” mahabang paliwanag ni Sofia, natuto nang magsinungaling.
Little white lies lang naman, sa loob-loob ni Sofia.
Ibinigay ni Manong Emong ang pustiso, nakabalot sa tissue.
Ipinasok agad ito ni Sofia sa room na kinaroroonan ni Tatiana. Natuwa ang huli, kinuha na ang pustiso.
“Huwag mong sabihing iyan mismo ang pustisong gagamitin mo, anak. Hiniram lang natin ‘yan kay Manong Emong”.
Nagmadyik ng sariling pustiso si Tatiana. “Ha-ha-ha! Perfect! Hahalikan ko na si Dexter forever!” (Itutuloy)