Wala pang nakaaalam kung bakit bigla na lamang humihinto sa paggawa ng melanin ang mga pigment cell. Kaya wala pang natutuklasang tiyak na gamot upang mahadlangan ang pagkakaroon ng uban. Napag-alaman din na ang mga pigment cell na hindi na gumagana ay maaaring gumanang muli. Sinusubok ng ilan ang mas bagong gamutan, tulad ng pag-iiniksiyon ng melanin. Pinipili naman ng iba na tinaan ang kanilang buhok. Ang pagtitina ng buhok ay isinasagawa noon ng sinaunang mga Griego at mga Romano. Ginamit ng sinaunang mga Egyptians ang dugo ng mga toro upang kulayan ang kanilang buhok. Gayunman, ang palaging pagtitina ng buhok ay maaaring magdulot ng mga problema sa balat o mga alergy.
Pagnipis ng Buhok at Pagkakalbo
Ang iba pang karaniwang problema sa buhok ay ang pagnipis ng buhok at pagkakalbo. Matagal na ring umiiral ang mga problemang ito. Sa sinaunang Ehipto, kasali sa mga sangkap na panlunas sa pagkakalbo ang taba ng mga leon, buwaya, pusa, serpiyente, at mga gansa. Sa ngayon ay mabibili sa pamilihan ang mga gamot sa buhok at sa anit na umano’y epektibo pero medyo may kamahalan ang presyo.
Nangyayari ang pagkakalbo kapag hindi na normal ang tubo ng buhok. Ang normal na tubo ng buhok ay maaaring maapektuhan ng pisikal na abnormalidad, tulad ng malnutrisyon, matagal na pagkakaroon ng mataas na lagnat, o ng isang uri ng sakit sa balat. Maaari ring maapektuhan ng pagdadalang-tao at panganganak ang tubo ng buhok. Kapag wala na ang mga sintomas, ang ganitong uri ng pagkalagas ng buhok ay humihinto at muli na namang nagiging normal ang tubo ng buhok.
Ang isa pang uri ng pagkalagas ng buhok ay tinatawag na alopecia. Kadalasan, sa ganitong problema, nararanasan ang pagkalagas ng buhok sa iba’t ibang bahagi ng anit. Ayon sa pananaliksik sa medisina kamakailan na ang alopecia ay posibleng isang sakit sa immune system.
Ang pinakakaraniwang pagnipis ng buhok ay tinatawag na male pattern baldness. Nangyayari ito sa mga lalaki. Nagsisimula ito sa pagkakalbo ng noo o sa pagnipis ng tuktok ng ulo, at unti-unti itong lumalawak. Ang tubo ng buhok ay nagiging di-normal sa apektadong lugar at hihinto sa dakong huli. “Sa apektadong mga lugar ng anit ay pinapalitan ng manipis na buhok na tinatawag na vellus ang dating mahaba, matibay, at may kulay na dulo ng buhok”. Nangangahulugan ito na habang nagpapatuloy ang tubo ng buhok, lalong numinipis at di-tumatagal ang buhok at sa dakong huli ay wala nang tutubo.
Maaaring mag-umpisa ang male pattern baldness ng maagang edad, ngunit maaaring maranasan ito ng kalalakihan sa edad 40 pataas. Bagaman maraming lalaki ang nakararanas ng ganitong uri ng pagkalagas ng buhok ng iba’t ibang lahi. Hanggang sa ngayon ay wala pang natutuklasan na lunas para sa ganitong sakit. Ang ilan ay nagsusuot na lang ng peluka o sumasailalim sa hair transplant.
Kapag numinipis ang buhok ay hindi naman laging nangangahulugan na nalalagas na ang buhok. Sa halip, maaari itoay dahil ang mga hibla ng buhok ay nagiging mas pino, o nagiging mas manipis, at sa gayon ay nawawala ang kapal ng buhok. Ayon sa isang servey, maaari itong magkaroon ng sukat na mula sa 50 micron sa ilang tao hanggang sa 100 micron naman sa iba. Lalong numinipis ang buhok habang tumatanda. Kaya ang kaunting pagnipis ng bawat hibla ng buhok ay may malaking epekto sa pagbabago ng kabuuang kapal nito.