NAPALUNOK si Sofia sa katakawan ng anak na gutom. Akalain ba ng butihing teacher na naubos agad ni Tatiana ang isang kalderong adobong baboy, at isang kaserola ng sinigang ding baboy sa loob lang ng isang minuto!
“Ubos na, Mommy! Gusto ko pa!” nakangiting sabi ng babaing kinakain ang lahat.
“Anak, wala na...” mahinahong tugon ni Sofia.
“I want more! More! More!” giit ng anak ng taga-ibang planeta.
“Kuwan, o-order pa ako ng baboy sa palengke. Kailangang maghintay ka muna, Tatiana.”
“Hindi makapaghihintay ang aking gutom, Mommy!” Nilapitan ni Tatiana ang narra dining table na minsan nang kinagatan.
Anyong ngangalutin na naman ito ni Tatiana,
“Anak, huwag! Hindi pa nga nakakabawi sa shock diyan ang ama-amahan mo! Paborito niya ang dining table na ‘yan!”
Huminto naman si Tatiana. Pero binuksan ang malaking ref. Inamuy-amoy ang mga pagkaing naroon.
Kinabahan si Sofia. May special food doon na inilalaan ni Almario sa ilang kaibigan sa opisina.
“Wow! Macaroni salad, an’ dami! Gusto ko ito, Mommy!”
“Oh my God, anak, h-huwag ‘yan!”
Parang walang narinig si Tatiana. Sinabakan agad nang lamon ang malaking bowl ng salad.
Nguya. Lulon. Kagat. Kain.
Nakatanga lang si Sofia, parang nanonood ng kababalaghan.
Ano na ba ang sasabihin niya kay Almario pag-uwi ng mister?
Natataranta na talaga si Sofia.
Gaya sa malaking kawali at kaldero ng adobo at sinigang na baboy, naubos agad ni Tatiana ang big bowl of macaroni salad!
Nagbalik sa ref ang babaing hindi taga-mundo. Naghanap na naman ng makakain.
Naalala ni Sofia ang spaghetti na pang-regalo rin ni Almario sa mga kaibigan. Inorder pa iyon ng mister sa sikat na Chinese restaurant.
“Wow! I like these po, Mommy! Spaghetti-bolognese!”
Bago pa nakatutol si Sofia, nilantakan na ni Tatiana ang espesyal na pagkain. (ITUTULOY)