AYON kay Sofia, siya ay mababaliw at magtatatakbo sa gitna ng kalye nang hubo’t hubad. Ito ang scenario na dinitalye niya sa asawang si Almario.
Ang mister, sabihin pa, ay nanghilakbot. Hindi niya papayagang may ibang lalaking makakagalaw sa pagkababae ni Sofia.
Mangyayari raw ang scenario kapag pinatay nga ni Almario si Tatiana. Kahit pa monster kapag gutom si Tatiana, hindi matatanggap ni Sofia na mapatay ng sinuman ang tanging anak.
Minsan pang nag-give in si Almario sa hiling ng misis.
“Okay, hindi mamamatay ang anak mo...itago mo ang baril ko para ka mapanatag, Sofia.”
Napayapa kahit paano ang ginang.
Nam-bluff naman si Tatiana. “Hindi ako kayang patayin ng anumang sandatang gawa ng tao. Mag-aaksaya lang kayo ng panahon.”
Nagalak sa balitang iyon ng babaing taga-ibang planeta si Sofia.
Si Almario ay nanlumo, naniwalang invincible, hindi magigiba ang buhay ng dalagang alien.
Pero sa tutoo lang, hindi nga tiyak ni Tatiana ang kanyang imortalidad; Walang sinabi ang kanyang amang si Garnuk kung siya, ang lahi nila, ay walang kamatayan.
PAREHONG naapektuhan na naman ang normal na takbo ng buhay nina Almario at Sofia.
On-leave sa pagti-teacher si Sofia, hindi raw makapagtuturo nang maayos sa mga estudyante.
Si Almario na banker ay ayaw magtrabaho sa opisina sa downtown, nag-aalala sa mas grabe pang pinsalang gagawin ni Tatiana.
Nagmamando na lang muna siya mula sa bahay, ina-apply ang technique na MBO o management by objective.
“Almario, nag-order ako ng dalawang special cap-- isusuot ni Tatiana depende sa estado ng sikmura niya”.
“Ano ba ang nakasulat sa cap?”
“ ‘Yung isa, merong nakaletrang GUTOM AKO. ‘Yung isa pa, BUSOG AKO”. Ide-deliver daw agad, dagdag ni Sofia.
“Brilliant idea, Sofia! Ipasuot mo talaga sa anak mo!”
Napabuntunghininga ang ginang. “Almario, ang problema natin ay kapag gutom si Tatiana, ano na naman kaya ang kakainin?” (ITUTULOY)