Muling buksan ang puso

Dear Vanezza,

Nakatakda na sana kaming ikasal noon ng bf ko matapos ang 2 taong engagement, pero namatay siya sa sakit. Ang sumpaan namin ay walang mag-aasawa sa iba kung sino man sa amin ang unang mawala. Kahit nakaburol na siya, ikinasal pa rin kami. Ten years na ngayon ang nakalilipas. Akala ko mananatili ang apoy ng pag-ibig ko sa kanya hanggang dumating sa aking buhay ang isa pang lalaki. Alanganin akong sagutin siya dahil sa aming sumpaan ng yumao kong nobyo. Pero aaminin kong umiibig ako sa kanya. Ano ang dapat kong gawin? - Aby

Dear Aby

Promises are made to be broken, sabi nila. Tao lang kasi tayo na may damdaming nagbabago. Masasabing hindi ka nagka-asawa dahil ikinasal ka sa isang patay. Hindi naman kasi makakapirma ang patay sa marriage contract. Kung balido man ang kasal mo, patay na siya at ang sino mang taong nabiyudo o nabiyuda ay malaya nang mag-asawang muli. Ten years na ang nakaraan at siguro’y sapat na panahon na ‘yun para muli mong buksan ang iyong puso. Puwede kang mag-asawa at wala kang lalabaging batas sa Diyos man o sa tao.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments