NAKATAYO nga sa ibabaw ng kama sa ICU si Simon, parang halimaw na umaatungal. GRAAWWLL! GRAAWWWLL!
Mangha ang mga narses at duktor. Mahimalang gumaling ang pasyente; mula sa bingit ng kamatayan ay parang magic na nagbalik sa normal na kalusugan!
Obvious na wala nang sakit si Simon!
Nagbalik na rin ang katinuan, hindi na umaatungal.
“S-saan ako naroon? S-sino kayo?” tanong ni Simon. Bakit daw siya napapaligiran ng mga di-kilalang tao --sa isang lugar na hindi pamilyar?
“Sir, kayo po ay narito sa ICU ng ospital. Namingit po kayo sa kamatayan,” paliwanag ng nars.
“At dapat po kayong humiga muna, sir, baka po bumuka ang tahi ninyo sa tiyan!” dagdag ng isa pang nars.
Inililis ni Simon ang suot, takang nakatingin sa tiyan. “Anong tahi? Wala akong tahi.”
Yanig na yanig ang dalawang narses. Daig pa ang nakakita ng magic.
Isang nars ang hinimatay, hindi nakayanan ang kababalaghan. Uuunnn.
Ang isa pa ay tinawag agad ang duktor. Sinabi ang nangyari.
Pumayag namang mahiga ni Simon sa kama. Sinuri ito ng manggagamot.
Takang-taka rin ito. “Oh my God, wala man lang bakas ng hiwa at tahi! Walang maniniwala na ang taong ito’y inoperahan ko!”
SA LABAS ng ICU, walang tigil sa dasal si Miranda. “Kahit po itigil ko na ang illegal kong gawain, Lord, pagalingin N’yo lang si Simon kooo!”
Saka napansin ni Miranda na wala pala sa kanyang tabi si ‘Padre Tililing’.
“Carlo? N-nasaan ka?”
Nasa loob ng ICU si ‘padre’, alam nang mahimalang gumaling si Simon.
“Pinagaling siya ni Lord,” nausal ng mabait na multo.
Pinapasok ng isang nars si Miranda sa ICU. Hindi naman sinabi kung bakit.
Napasigaw sa tuwa si Miranda nang makita si Simon. Nakatayo na ito sa floor, sa tabi ng kama. “Diyos ko, Simon! Magaling ka naaa!” (ITUTULOY)