NAISUGOD pa naman ng mga taga-niyugan si Simon sa provincial hospital. Tuluy-tuloy ito sa Emergency Room o ER.
Halatang naghahabol ng mga sandali ang duktor at narses na maisalba ang pasyente.
Si ‘Padre Tililing’ ay taimtim na nagdarasal para sa kaligtasan ni Simon. Wala sa kanyang kakayahan na hulaan ang sasapitin nito; kung mabubuhay o mamamatay.
Ngayon naghihintay ng himala si ’Padre’, alam na sa panahong ito ay nagaganap pa rin ang mumunting milagro.
“Mawawarak po ang puso ni Miranda kapag ngayon natuluyan si Simon, my Lord. Iligtas Mo po sana siya...”
Ang mabait na kaluluwa ni Carlo a.k.a. ‘Padre Tililing’ ay naupo sa waiting area sa labas ng ER, patuloy sa pagdarasal.
Abot sa Langit ang kanyang taimtim na dasal; siguradong abot din sa Kataas-taasang Diyos.
Pero dapat bang mabuhay si Simon dahil kay Miranda lamang? Di ba dapat ding isaalang-alang ang ibang nagmamahal dito?
Si Myrna at ang nanay ay pasugod na rin sa ospital. Kinasusuklaman nila ang mga bandidong dumukot kay Simon.
Kung mayaman lang sila ay dudurugin nila sa korte ang mga bandidong nagpahirap kay Simon.
Ngayon nagdudumilat sa kanila ang katotohanang higit na nabibigyan ng ngipin ang taong maraming pera; api ang mahihirap.
Patanaw-tanaw sa loob ng ER si ‘Padre Tili ling’. Kita niyang pawisan na ang dalawang duktor at mga narses; hangga’t maaari ay ayaw mamatayan ng pasyente sa operating table.
SI MIRANDA ay hindi nakatiis, pinuntahan niya sa probinsiya si Simon.
Saka pa lamang niya nalaman, makaraan ang dalawang oras na paglalakbay, na agaw-buhay sa ospital ang asawang legal. (ITUTULOY)