Dear Vanezza,
Itago mo na lang ako sa pangalang Marwyn. Sa limang taon naming pagsasama ng aking asawa ay wala pa kaming anak. Walang problema sa kalusugan namin o maging sa pinansiyal. Natuklasan ko na ang problema ay nasa misis ko. Ayaw niyang magbuntis dahil takot siyang manganak. Inamin niyang nagko-contraceptive siya para hindi mabuntis. Pero ang payo ng mga doctor ay unawain ang aking misis dahil dumaranas ito ng trauma dulot nang nasaksihang pagkamatay dahil sa panganganak ng pinsan niya. Humingi na ako ng tulong sa aking mga biyenan na tulungan ako na mapaliwanagan ang asawa ko tungkol sa panganganak.
Sa kabila ng lahat, hindi ko magawang magalit sa misis ko o hanapin sa ibang babae ang wala sa kanya. Ano pa ba and dapat kong gawin para mawala ang trauma niya?
Dear Marwyn,
Kahanga-hanga ang katapatan mo at pagmamahal sa iyong misis. Kaunting tiyaga na lang at mao-overcome rin niya ang takot sa panganganak. Sa tulong ng makabagong siyensa at medisina, matutulungan nito ang asawa mo na maalis ang fear. Busugin mo siya sa pang-unawa at pagmamahal. Sikapin mo rin na makakausap siya ng mga babaeng walang naging problema sa panganganak para ma-inspire siya. Magkaroon din kayo ng ideya kung gaanong kaligayahan ang naidudulot sa pamilya ng mayroong anak o mga anak.
Sumasaiyo,
Vanezza