KAYDILIM ng isip ni Miranda, nabigo siya kay Padre Juancho. “Nagpagod lang ako. Wala rin naman palang magagawa sa multo ni Tililing. Kung may tunay daw akong pananalig sa Diyos, saka ako tatantanan ni Tililing!”
“Ulul, ulul, ulul!” sigaw ni Miranda habang mabilis na pinatatakbo pauwi ang sasakyan. Ewan kung sino ang tinutukoy niyang ‘ulul.’
Bruuuumm.
Narating niya ang bahay sa aplaya. Sinalubong siya ng amiga-alalay. “Ano’ng nangyari sa lakad mo, Miranda?”
“Mainit pa sa kumukulong bulkan ang utak ko, Antonya, baka maputukan ka!”
Tumahimik si Antonya, naghintay na lang ng susunod na sasabihin ng smuggling queen.
“Paano naman akong susuko sa Diyos sa puntong ito ng aking buhay, ha, Antonya? Napakahaba pa ng aking buhay, hello?”
Napapailing si Antonya, hindi rin ma-imagine ang buhay na banal. Gaya ni Miranda, mahaba pa ang pisi niya.
“Ano ‘yon, sisimba tayo nang regular sa Quiapo o sa malapit sa Malakanyang? Magsusuot tayo ng suot-manang? Manonood tayo ng Ten Commandments?”
Naalala ni Antonya ang kabataan. “Noong 11-year old ako, Miranda, mabait pa ako—gustung-gusto kong manood ng Ten Commandments.”
Nagkasa ng baril si Miranda. Katsak.
Saka buong lakas na sinipa sa mukha si Antonya. Sumadsad sa marmol ang amiga-alalay. Duguan ang labi.
Tinutukan ito ni Miranda sa ulo. “Pumili ka, Antonya--ikaw ba’y kakampi o kaaway ko? Sagot!”
“K-kakampi mo ako. Patawad na, Miranda. Hindi na ito mauulit.” Umiyak ang barakitang amiga, nagmamakaawa. “Hu-hu-huuyy.”
SA DALAMPASIGAN, patuloy sina Mang Goryo sa pagpapagawa ng mga kabuhayan para sa mga kapwa-mahirap.
Lalagyan na sila ng kuryente sa mga poste at tahanan. Kasunod na rin ang tubig na maiinom nang ligtas.
Dama nilang nakabantay sa kanila si ‘PadreTililing’.