The ghost of ‘padre tililing’ (14)

IPINAGBUNYI ng mga taga-fishing village ang kagandahang loob ni Miranda. Maituturing nilang himala ang pagkakaloob sa kanila ng malaking pera ng mabait nang smuggling queen.

Pumapalakpak na isinigaw nila ang pasasalamat kay Miranda. “Mam Miranda, mabuhay ka! Mam Miranda, mabuhay ka!”

Klap-klap-klaapp.

Naaaliw na kinarga ni Miranda ang isang bata. Idinuyan ito sa mga bisig.

Nagkatinginan ang fisher folk, mangha. Nagbulungan.

Napansin sila ni Miranda. “Bakit po?”

“Mam Miranda, p-pareho po kayo ni Padre Tili­ling na naaaliw na kumakalong ng bata!”

Natigilan si Miranda sa sabi ni Mang Goryo. Iyon din ang obserbasyon ng iba pa, alam ni Miranda.

“Pinsan po ba kayo ni Padre Tililing?” nakangi­sing tanong ng isang musmos.

 “H-hindi kami magpinsan, nene, pero tagahanga na niya ako,” matapat na tugon ni Miranda.

 Ilang sandali pa ay nakangiting nilisan ni Miranda ang fishing village, nagbalik na sa malaking bahay.

Nakadama siya ng pagod pero maligaya. Umupo siya sa duyan sa porch at doon na nakatulog, paharap sa dagat.

 Hindi niya namalayan ang pagtakas sa kanyang katauhan ng puting usok na hugis-lalaki. Swoosshh.

SIKAT ng bagong araw ang gumising kay Miranda. Napakunot-noo ang smuggling queen. Taka.

“Bakit dito sa porch ako natulog? Anong kagaguhan ito?” Inis na sumigaw. “Antonya!”

Napaigtad si Antonya, nawala ang kalasingan, tinungo agad ang amo. “Nariyan na ako, Miranda, sandali!”

Pak-pakk. Mag-asawang sampal ang isinalubong ni Miranda kay Antonya.   

Umangal ang amiga. “Bakit ba? Ano ba ang mali ko?”

“Bakit mo ako pinabayaang matulog sa porch, Antonya?”

“Miranda, hindi ko na namalayang umuwi ka! Nagpunta kang mag-isa kagabi sa fishing village!” (ITUTULOY)

Show comments