Ang pagkakaroon ng hindi magandang reputasyon ay tila isang karayom na tumutusok hanggang sa iyong buto na hangga’t hindi mo inaalis ay patuloy na magbibigay ng sakit sa iyong kalooban. Pero, hindi mo naman kailangan na dalhin ang masamang reputasyon na ito habambuhay. Maraming paraan upang maiahon mo ang iyong reputasyon. Narito ang ilang hakbang:
Pag-aralan ang sitwasyon – Ang konseptong ito ay maaari mong gamitin sa iyong personal at propesyunal na buhay. Bago ka mag-isip kung paano mo babaguhin ang iyong namantsahang reputasyon, dapat mo munang sagutin sa iyong sarili ang mga tanong na gaya nito: May katotohanan ba ang anumang bagay na ibinabato sa’yo? Kung ang sagot mo ay oo, kailangan mong gawin ang mga bagay na kahit na mahirap sa’yo ay dapat mo pa ring gawin para muling maibangon ang iyong reputasyon. Kung ang sagot mo naman ay hindi, at walang katotohanan, magkibit-balikat ka na lang at libangina ng iyong sarili sa pamamasyal sa park o sa mall. Anuman ang iyong magiging sagot, dapat mo munang linawin sa iyong sarili ang anumang sitwasyon na iyong kinalalagyan.
Linawin ang isyu – May mga pagkakataon na iniisip mong ikaw ay pinag-uusapan ng mga taong nakapaligid sa’yo. Pero ang pakiramdam na ito ay hindi naman minsan totoo dahil maaaring ikaw ay napa-paranoid lang hindi ba? Kaya dapat mong imbistigahan mabuti kung tama ang iyong pakiramdam, dahil mahirap magresolba ng isang problema na wala naman pala.
Huwag mangatuwiran – Maraming tao na kahit na gumagawa ng hindi tama ay pilit na binibigyang katuwiran ang kanilang ginagawa. Bakit hindi ka na lang magpakumbaba at aminin kahit man lang sa iyong sarili na may mali kang ginagawa. Maging tapat at saka mo ituwid ang lahat.
Humingi ng tawad – Hindi mo naman kailangan na magsabi ng “sorry†sa lahat ng taong iyong nasaktan. Pero, ang pagpapakita ng sinserong aksiyon at pagtutuwid ay isang malinaw na paghingi ng tawad at pagbabago, pagbabago hindi sa hinaharap kundi ngayon. Higit sa lahat dapat mo rin patawarin ang iyong sarili sa paggawa ng hindi tama at saka ka mag-move-on.