Isang milyong pisong kilabot (17)

TATAWAG ng ambulansiya sa labas ng asylum si Paula nang pigilin ni Socrates. “Paula, huwag ka nang lumabas! Hindi ko na kailangan ng ambulansiya!”

Napabalik sa mister si Paula. “Bakit hindi na? Malalim ang saksak mo! Mamamatay ka kapag di naampat ang dugo!”

“Paula, parang magic na nawala ang saksak, wala na ring dugo!”

Wala na rin ang mga baliw na multo!

“Hindi pala tao ang nanaksak sa akin, Paula! Talagang mga multo na may kakayahang manggulo! Mga poltergeist! Pero hanggang pananakot lang ang kayang gawin!”

Nagpasalamat sa Diyos ang mag-asawa. Muntik na pala silang matalo ng multo sa teknikal na paraan.

Kung nagkataong nakalabas ng asylum si Paula, ituturing ng supervisor na talo na sila.

Tumingin sa orasan si Socrates. “Isang oras na lang pala ang ating ipaghihintay. Makakabuo na tayo ng 24 oras!”

“Oh my God, may pag-asa pa tayong manalo ng isang milyon!”

Sa bahay ni Emil Caluycoy, ang milyonaryo ay nababahala na.kalahating oras na lang at hindi pa lumalabas ng asylum sina Paula at Socrates. Hindi niya matatanggap na matatalo ang kanyang mga multo; lalong hindi matatanggap na mabibigo na naman ang pag-ibig kay Paula.

At paano na ang usapan nila ni Paula na paaangkin ito kapag natalo ng mga multo?

Nagpasya agad ang milyonaryo. Ginamit ang secret passage sa asylum. Kaya niyang harapin ang mga multo huwag lang mabigo kay Paula.

Hindi pa alam ni Emil ang saktong gagawin sa loob ng asylum.

May dala siyang baril, kung kailangang barilin niya si Socrates ay gagawin niya; natitiyak niyang tatakbo agad palabas ang magandang misis para humingi ng saklolo. Technically, matatalo na ito sa contest base sa 24 oras na policy.

Nag-iisip si Emil kung paano babarilin si Socrates nang hindi malalaman ng mag-asawa.

Maingat na pumuwesto siya sa dilim, walang ingay. Tanaw niya sina Socrates at Paula, nasa tapat ng liwanag ng flashlight. (ITUTULOY)

Show comments