Dear Vanezza,
May dati akong girlfriend. Mahal ko siya at alam niyang mahirap lang kami. Pero naghanap ako ng paraan para matugunan ang aking mga pangangailangan kasama na ang pang-date sa aking gf. Natukso akong pumasok sa pagtutulak ng droga para makaipon at yayain na siyang pakasal o kahit live-in. Pero hindi nagtagal, natunugan ng mga pulis ang sindikato at isa ako sa mga naiturong source ng ibinebentang droga. Ni-raid ang bahay namin at huling-huli ako na nagre-repack ng shabu. Naaresto ako at mula noon ay hindi na nagpakita sa akin ang nobya ko. Ang pinakahuling balita na nakarating sa akin, pinag-abroad siya ng kanyang mga magulang at nakakita na doon ng mapapangasawang Kano. Pinagsisihan ko na ang aking pagkakamali. Pero kailangan kong pagdusahan ang naidulot ko sa mga biktima ng droga. Sana magsilbing aral ito sa iba pang tulad ko na ibahin na nila ang uri ng pagkakakitaan. Kahit maliit lang ang kita, basta marangal. - Kokoy
Dear Kokoy,
Kahit mahirap at walang trabaho, maaaring inibig ka niya bilang ikaw dahil tinapat mo naman siya. Pero ang mapanggap na may salapi na kinikita naman kapalit ng pagbabaon sa mga biktima ng droga sa kumunoy ng kawalang pag-asa, isa itong malaking krimen at may tiyak na kaparusahan. Alam kong pinagsisihan mo na ang nagawa mo at sana, sakaling lumaya ka na, huwag mo itong uulitin. Hindi baleng magtinda ka ng kakanin sa kalye, basta malinis na uri ng hanapbuhay kaysa naman magkamal ka ng salapi na nakuha sa masamang paraan. Goodluck sa pagbabagong buhay mo at sana’y makatagpo ka uli ng babaeng iibig sa iyo anuman ang iyong nakaraan.
Sumasaiyo,
Vanezza