Dear Vanezza,
Ako po’y binata pa rin at sa edad ko na wala na sa kalendaryo ay wala pa akong naging nobya. Hindi naman po sa hindi ako marunong umibig. Tumitibok din po ang aking puso ‘yun nga lang ay lagi akong bigo. Marahil inaayawan nila ako dahil ako’y may kapansanan (polio). Pero hindi ako pabigat sa aking pamilya. Kahit paano’y kumikita ako sa aking maliit na shop na gumagawa ng mga sirang appliances. May pag-asa pa kaya akong makatagpo ng babaeng mamahalin at magmamahal sa akin? Sana po ay mabigyan mo ako ng payo.- Nonoy
Dear Nonoy,
Ang kapansanan ay hindi hadlang para tayo’y magmahal at mahalin. Maraming tulad mo ang nakatagpo ng kanilang pag-ibig. Sadyang hindi pa lang dumarating ang babaeng ukol para sa iyo. Ang pag-ibig ay hindi ipinipilit. Kahit hindi mo ito hanapin, kung tipo ka ng isang babae, sasagutin ka niya. Hindi rin ito nakukuha sa madalian o paspasan. May pag-ibig na kusang tumutubo tulad ng isang halaman na nakukuha sa matiyagang pag-aalaga sa pagdidilig at pataba. Kaya huwag kang mawalan ng pag-asa. Hindi ka pa naman matanda para mawalan ng loob. Malay mo isa pala sa mga kustomer mo ang maging katuwang ng iyong puso. Who knows, ‘di ba?
Sumasaiyo,
Vanezza