Ghost train (26)

MAGING si Nenita ay handa nang ipasyal sa iba’t ibang lugar ang inang sakitin at anumang oras ay posible nang mamatay.

“Anak, talaga bang pupunta tayo sa Venice?” Hindi pa rin makapaniwala ang nanay ni Nenita, kahit nasa airport na sila at pasakay na sa eroplano.

“Inay, bukod sa Venice, pupunta rin tayo sa Madrid at sa Vatican. Totoo ho ito, marami akong pera—sobra-sobra pa.”

“Anak, saan ba talaga galing ang pera mo?”

“Inay, hulog ho ng langit. Para matupad ang sabi ninyo’y mga gusto n’yong gawin--”

“--Bago ako mamatay, anak. Bucket list sa Ingles. Malapit na akong bawian ng buhay, pa­sensiya ka na.” 

PANSAMANTALA  ay nalimutan ni Nenita at ng ina ang kinatatakutang ghost train. Ganoon din naman sina Vincent at Dindi. Ang nasa isip ng apat ay ang magpakasaya sa bawat araw—bago dumating si Kamatayan.

Tanggap na ni Dindi at ng nanay ni Nenita na sila ay touch-and-go na; anumang oras ay mamamatay na dahil sa sakit.

Sina Dindi at Vincent ay nakagala na sa ibat ibang panig ng bansa.  Boracay, Baguio, Palawan, Tagaytay at Davao.

Nakabili na rin si Dindi ng mga eklay things—signature handbags, branded shoes, make-up kit, special lotions. Meron na rin siya ng mga mamahaling damit na noon ay pangarap lang niya.

Nakaranas na rin siya ng street party at summer night out. Maligayang-maligaya ang dalagita.

Siyempe pa, nagkaroon si Dindi ng expensive cell phone. Bukod pa ang tablet at iba pang gadgets.

“Kuya Vincent, salamat uli sa kabaitan mo.”

Hinagod ng binata ang buhok ng dalagita. “Ako ang nagpapasalamat  sa iyo Dindi. Dahil sa iyo, nagkaroon ng kabuluhan ang buhay ko.”

“Isa na lang ang gusto kong maranasan, Kuya Vincent, sana ay pumayag ka.”

Kinabahan ang binata. “What is it, Dindi?”  (ITUTULOY)

Show comments