Natutukso kay Inday
Dear Vanezza,
Isa po akong kasambahay. Ang problema ko po ay nai-in-love ako sa amo kong lalaki. Sinabi niya sa akin na may gusto siya sa akin. Hindi ko napigilan ang sarili ko at sinabi ko rin na gusto ko siya. Natatakot po ako na malaman ng asawa ng amo ko ang relasyon namin kaya pilit ko siyang iniiwasan. Napansin niya ito kaya tinanong niya ako bakit ako umiiwas. Sabi ko ayaw kong makasira ng pamilya at hindi kami para sa isa’t isa. Tama po ba ang ginawa ko? - Ms. Scorpio
Dear Ms. Scorpio,
Hindi masama ang ma-in-love kahit na sa iyong amo sa dalawang kundisyon: na mahal ka rin niya at hindi lamang gagawing laruan at wala siyang pananagutan sa buhay. Pero gaya nang sinabi mo, may asawa na pala siya. Kaya kahit na mahal ka niya, hindi pa rin tama. Mabuti ang ginawa mong pag-iwas. Mas mabuti kung kakalimutan mo na siya. Pero hindi mo siya malilimutan hangga’t magkasama kayo sa iisang bahay. Kaya kung kaya mo, magbitiw ka na sa iyong trabaho at humanap ng ibang mapapasukan. Mas malaking problema ang kakaharapin mo sa sandaling hindi ninyo mapigilan ang inyong sarili at magbunga ang bawal na relasyon. Huwag mong kakalimutan na marami pang lalaki na puwedeng magmahal sa’yo at mahalin mo rin. Hindi mo dapat kunsintihin ang inyong mga damdamin sa isa’t isa.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest