Ghost train (5)

SA TATLONG inatake sa puso sa palengke, sa takot sa ghost train, isa ang natuluyan; namatay agad ang overweight na matadero.

Gayunma’y hindi nakita ng sinuman ang kaluluwa nito; walang makapagsabi kung isinakay ng tren.

Nabulabog ang palengke. Hindi matapus-tapos ang mga hakahaka.

“Nakita natin ang ghost train, mga mare, pero hindi ang kaluluwa n’ung matadero. Bakit ‘kanyo?” “Bakit nga kaya, Manang Tessie?” “Kasi, mare, masamang tao raw ‘yung matadero—walang kaluluwa,” bulong ng manang na palasimba. “Hindi naman siguro, Manang Tessie, huwag nating husgahan ‘yung tao. Patay na nga e…”

“Kitang-kita ko sa tren ang kaluluwa ni Mang Tonyo na taga-Sumilang, mukha siyang kuntento…gaya rin n’ung mga kaluluwang sakay,” patutoo ng isang namalengkeng ginang.

“Ibig bang sabihin, kakampi ng Langit ang multong tren? Mababait lang ang isinasakay?”

SI NENITA at ang nanay niyang maysakit sa puso at nerbiyosa ay napadalas ang pagpasok sa simbahan.

Humihingi sila ng awa sa Diyos, na huwag nang payagang makarating muli sa lugar nila ang ghost train.

“Gusto ko pa pong maproteksiyunan sa mga manyakis si Nenita ko, Panginoon. Ayoko pa pong sumakay sa tren,”  taimtim na dasal ng nanay.

“Lord, mahal na mahal ko po ang nanay ko, kami na lang pong dalawa ang magkapamilya…saka Mo na po siya ipakuha kay Kamatayan,” luhaang pakiusap ni Nenita. SA HULING barangay ng San Ignacio, nakita agad ni Vincent ang padating na ghost train. Nag-panic ang binata, nagtatakbo agad pauwi. Sumisigaw si Vincent. “DINDI, MAGTAGO KA SA KABINET! HUWAG KANG LALABAS!” Si Dindi ay dalagitang may taning na ang buhay, halos buto’t balat, hindi na makalakad, pero tutol sa kamatayan. “Hindi ako pahuhuli sa tren, Kuya  Vincent…hu-hu-hu-huuu.”  Gumapang si Dindi, nagtago sa cabinet. (ITUTULOY)

 

               

 

 

                 

 

Show comments