Aswang family (62)

NIYAKAP ni Greco ang asawa. “Mahal na mahal kita, Shalina. Hindi ako nang-iiwan ng babaing puno’t dulo ng aking buhay.”

Napaluha si Shalina, hinaplos ng ligaya ang puso; ilang sandali ring inakala niyang may hangganan ang pag-ibig sa kanya ni Greco; na ayaw nito sa babaing buntis; gaya ng mga lalaking ayaw ng dagdag na responsibilidad.

“Kahit magiging bombo ang tiyan ko, hindi na seksi sa maraming buwan?”  Naniniyak pa rin si Shalina.

Tango nang tango si Greco, “Oo, kahit kabuntisan ka na, kahit wala nang korte ang katawan mo…”

May naalala si Shalina, bumalatay ang takot sa mukha. “K-Kahit…n-nagalaw ako ni…ng sintu-sinto?”

Lumuha, ayaw na yatang alamin o marinig ang isasagot ni Greco.

Napaigtad si Greco, hindi masabi kay Shalina na iyon mismo ang  multong tumatakot sa kanya.

“Greco, sumagot ka.”

“Munting multo lang maituturing na n-nagalaw ka ng hayup na sintu-sintong ‘yon. Kaya kong kontrolin ang aking takot…”

“M-may higit ka bang kinatatakutang multo, Greco?”

Hindi kayang sabihin ni Greco ang multong tunay niyang kinatatakutan.

“Greco…?”

“Hindi mangyayari, hindi darating ang tunay na multo, Shalina…may awa si Lord.”

Naunawaan ni Shalina ang ibig sabihin ni Greco. Konektado pa rin kay Iskong sintu-sinto ang tunay na ‘multo’.

“Mababaliw ako kapag dumating ‘yon, Greco. Hu-hu-huu.”

SA PACIFIC Ocean,  sa kinaroroonan ng bad fairy at ng bading na kapre at ng mga survivors sa eroplanong nag-crash sa dagat, biglang sumama ang panahon.

Naging parang bangkang papel ang malalaking lifeboats nila—sinisiklut-siklot ng mga higanteng alon.

“Eeeee! Dito rin pala tayo mamamatay!” Nagtitilian, nagsisisigaw sa takot ang mga tao. (ITUTULOY)

 

Show comments