Dear Vanezza,
Tawagin mo na lang akong Aries. Ako po’y napag-iwanan na ng panahon dahil sa edad kong 32 ay wala pa akong asawa. Hindi naman po ako kapangitan at nakapagtapos naman ng pag-aaral ngunit walang trabaho. Lagi po ako mapag-isa at bihira na ako makisalamuha sa mga kaibigan ko. ‘Yung dati ko pong bf, 2 years na kaming hiwalay pero hanggang ngayon naaalala ko pa rin siya kahit may asawa’t anak na siya. Nagkahiwalay kami dahil hindi ko naibigay ang gusto niya. First bf ko po siya at 4 months pa lang ang relasyon namin pero gusto niya may mangyari na sa amin. Hindi ako pumayag at mula noon nagdadahilan na at bihira na kami magkita at magkasama. Hanggang sa tuluyang tumamlay ang relasyon namin at nakipag-break siya. Sa palagay n’yo po ba may magkakagusto pa sa akin kahit matanda na ako at walang trabaho? Sana mapayuhan mo ako.
Dear Aries,
Bihira na sa ngayon ang kagaya mo na iniingatan ang pagkadalaga. Keep it up. Ituring mo na hindi ka nawalan sa paglayo ng bf mo kundi siya ang nawalan dahil mahihirapan na siyang makahanap ng isang katulad mo. Hindi siya karapat-dapat sa iyo dahil isang bagay lang hangad niya, ng makuha ang virginity mo. Huwag mo nang guluhin ang isip mo at ituring mong blessing in disguise ang nangyari. Huwag mo ring isipin na napag-iwanan ka na ng panahon. Hindi dahilan yan para magpadalus-dalos. Makakatagpo ka rin ng lalaking iibigin ka ng tapat at hindi lang pagkadalaga mo ang hangad. Pagsikapan mong maghanap ng trabaho para may pinagkaabalahan ka at pinaglalaanan ng iyong kinabukasan.
Sumasaiyo,
Vanezza