Masakit na leksiyon ng buhay
Dear Vanezza,
Sabi nila, mapapatunayan mo raw na mahal mo ang isang tao kung makagagawa ka ng isang pagsasakripisyo para sa kaligayahan ng isang minamahal. Pinatunayan ito sa akin ng pinakamamahal kong asawa. Lingid sa aÂking kaalaman, itinuloy niya ang kanyang pagbubuntis kahit alam niyang malalagay sa alanganin ang kanyang buhay. Tuwang-tuwa pa naman ako nang sabihin sa akin ng misis ko na 2 months na siyang buntis. Kaya sabi ko, pakakasal kami bago mag-seven months ang tiyan niya dahil sapat na siguro ang naipon ko para sa kanyang panganganak at kasal namin. Pero anim na buwan pa lang dinugo na siya at kailangan ang malaking halaga para siya maoperahan. Kapos ang naipon ko para sa operasyon niya. Sabi ng doktor delikado para sa misis ko ang magbuntis. Wala akong mautangan kaya napilitan akong holdapin ang isang matanda na galing bangko. Pero ang nadatnan ko na lang sa ospital ay ang nanay ko na umiiyak. Wala na ang misis ko pati ang sanggol. Iyon lang at halos maglupasay na ako sa sahig. Wala na ang babaeng pinakamamahal ko. Sumuko ako sa pulis at humingi ng tawad sa matanda. Bagamat pinatawad ako ay kailangan ko pa ring harapin ang kaparusahan. Nagsisisi ako ngayon sa nagawa ko. Sana ay napatawad ako ng misis ko. - Ver
Dear Ver,
Ang malungkot mong karanasan sa pag-ibig ay bahagi ng pagsubok. Lahat tayo ay nagkakaroon ng mga hamon sa buhay maliit man o malaki at nasa ating diskarte kung paano malalampasan ang mga ito. Kaya nga lang ang pagpili ng direksiyon kung paano mapagtatagumpayan ang mga problemang ito ay dapat nasa tamang daan at hindi sa pamamagitan ng paggawa ng masama. Maluwag mong tanggapin ang lahat. Ang pagkakakulong mo ay upang maÂbigyan ng hustisya ang masama mong ginawa. Ang maagang pagkawala ng iyong asawa at anak ay nakatadhana nang kapalaran nila. Natapos na ang kanilang misyon sa mundo.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest