Aswang family (28)

WALANG ibang kapamilya si Uncle Saro kundi ang pamangking si Aling Mameng. Kaya sa pagkamatay ng matandang bulag, si Aling Mameng na ang nagyaman sa bahay na bato nito.

Doon na tumira ang buong pamilya—Aling Mameng, Mang Sotero, Shalina at Greco. Pati naman ang boy ng matanda at ang asong si Foxy ay nanatili doon.

“B-basta po ipangako ninyong lahat na hindi kami ni Foxy ang inyong aaswangin,” pakiusap ng boy. “Ano nga pala ang ngalan mo?” tanong ni Greco sa binatilyong boy.

“Piloditelco po.”

Napanganga ang pamilya.

“Piloditelco? Aba’y sobrang kakaiba,” sabi ni Greco. “Meron daw po n’ung araw na kumpanya ng telepono na ganyan ang pangalan. Doon po nagtrabaho ang lolo ko. Telco po ang nickname ko.” Tumangu-tango ang pamilya. Tatawagin na rin nilang Telco ang boy. Ganoon naman magkaminsan—kung anu-ano ang naiisip na pangalan.

Sila nga, binansagan ng masamang diwata bilang Aswang Family.

“Kailangang makausap natin si Adwani. Hindi tayo dapat inaalipin ng  bad fairy na ‘yon,” gigil na sabi ni Shalina. Napabuntunghininga sina Mang Sotero at Greco; alam ng dalawang naging lover ni Adwani na malabong mapakiusapan ang diwata.

“Para sa akin, si Adwani ay hindi diwata. Siya’y isang malupit na bruha!” sigaw ni Aling Ma­meng. “Salot sa mundo si Adwani!”

SI ADWANI, ang modernang bad fairy, ay sakay ng sari­ling kotse na mula sa magic; siya ang lumikha sa kotseng dina-drive niya  sa highway. Isa itong brandnew car na ang ngalan ay HonDai, mula sa pinaghalong ngalan ng dalawang popular  car brands.   

Alam ng masamang diwatang ito na nagdurusa ang ‘Aswang Family’.  Natatawa ito sa tagumpay. “Ha-ha-ha-haa.”

Nagsasalitang mag-isa habang kaybilis ng takbo. “Ima­gine naging tikba­lang ang guwapong si Greco!

“At ang unang lover ko—si Tandang Sotero—naging Kapreng bading! Ha-ha-haaa.”

Tuwang pinalipad ang kotse sa ibabaw ng traffic.

 (ITUTULOY)

 

 

             

Show comments