Namantsahang pagsasama

Dear Vanezza,

Tawagin nyo na lang akong Nessie. Hindi kami magkaanak ng mister ko dahil may diperensiya po ako sa matris. Two years na po kaming kasal pero 3 years na kami magkasama. Bago pa kami ikasal, nangako siya na mamahalin ako kahit hindi kami magka-anak. Pero natuklasan kong may babae siya. At kahit humingi na siya ng tawad at inamin na niya sa akin ang lahat hindi ko malimutan ang ginawa niya na napakasakit. Dumaan na kami sa maraming counseling at pinayuhan kami na pansamantalang maghiwalay at huwag munang magkita o mag-usap. Gusto na niyang bumalik sa akin pero nasaktan ako kaya hindi ko pa siya matanggap. Dahil hindi siya makauwi sa akin ay ‘dun siya sa magulang niya siya umuuwi. Ano po ang mabuti kong gawin? Mahal ba niya ako?

Dear Nessy,

Sa kabila ng panloloko ng mister mo ay mahal ka niya dahil kung hindi, hindi ka na tatangkaing balikan at mananatili na lang sa piling ng babae. Maaring nambabae siya sa pagbabakasakaling magkaroon siya ng anak, pero siguro’y pinagsisihan na niya yun. Kung humingi na siya ng tawad at sa tingin mo ay lubusan na siyang nagbago at mahal mo pa siya, walang masama kung bibigyan mo siya ng second chance. Bigyan mo siya ng pagkakataong maipakita na nagbago na siya.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments