Bakit ‘di masarap ang tulog mo?

May mga taong napakasarap matulog, maisandal lang ang ulo, maya-maya pa ay maririnig mong humihilik na. Kaya lang mayroon din naman mga taong hirap na hirap makagawa ng tulog kahit pa nakakaramdam na ng matin­ding pagod. May mga bagay kasi na maaaring makaapekto sa’yo para hindi ka makatulog ng mahimbing gaya ng cell phone at internet. Hindi kasi maiiwasan na may mga caller ka pa kahit pa gabi na o kaya ay may magpapadala pa sa’yo ng e-mail na kinakailangan mong sagutin agad. Bukod dito, ang ilaw mula sa cell phones na naglalabas ng blue light ay humihigop mula sa’yo ng melatonin, ang chemical sa katawan na nagpapantok sa’yo. Kaya lang, batay sa lumabas na research mula sa Michigan State University, ang mga taong nagtatrabaho pa rin ng lampas alas-9 ng gabi ay hindi na nagkakaroon ng magandang tulog at may kalidad na pamamahinga, kaya naman kinabukasan ay hindi sila produktibo sa kanilang mga trabaho. Bukod sa mga ito, narito pa ang ilang dahilan bakit hindi ka agad makatulog sa gabi:

Paninigarilyo bago matulog – Ayon sa ilang pag-aaral sa Amerika, ang mga taong naninigarilyo lalo na sa gabi ay hindi nagkakaroon ng masarap na tulog dahil pinipigilan ng nicotine mula sa sigarilyo ang dopamine at serotonin, mga chemical na nagbibigay ng masarap na pagpapahinga  at pagtulog sa katawan,  na lumabas sa’yo. Kaya kung gusto magkaroon ng masarap na pagtulog, iwasan ang paninigarilyo sa gabi, lalo na kung malapit na ang oras ng iyong tulog.

Mahigpit na bra – May mga babaeng hindi sanay mag-alis ng bra habang natutulog, mayroon naman na hindi makatulog kapag nakasuot ng bra. Kaya lang ayon sa isang Japanese research, ang mahigpit na pagsusuot ng bra ay nakakapagpigil ng daloy ng  “circadian rhythms” o sleep cycle na nagreresulta ng pagtaas ng body temperature at nakakapagpababa naman ng melatonin level na unang-unang kalaban mo para magkaroon ng masarap na pagtulog.

Pagkain ng inihaw na manok sa hapunan – Kung ang pagkain ng mga “protein rich meal” ay mabuti sa iyong katawan, masama naman ang naidudulot nito para magkaroon ng masarap na pagtulog.  Ito ay dahil nahihirapan ang iyong katawan na tunawin ang mga ganitong uring pagkain kapag gabi at matutulog ka na. Kaya sa halip na mga ganitong uri ng pagkain ang kainin, mas mabuting kumain na lang ng mga pagkaing mayaman sa carbohydrates gaya ng cereals o crackers, para madagdagan ang pagtaas ng blood sugar na siyang magpapantok sa’yo.

Show comments