‘Butas na lupa’ (4)

NAKITA nina Jake at Monica ang sinkhole o butas na lupa, sa bahayan ng mga mangingisda. Mangha ang dalawang photo-journalist.

“Jake,  meron daw buong bahay na nilamon nitong sinkhole.”

“Napakadilim ng loob, kahit tinatanglawan natin ng flashlight, hindi natin makita ang ilalim.”

Meron namang inilagay na harang sa paligid ang mga barangay-tanod. Babala na hindi dapat lumampas sa harang ang mga tao; posible nga namang mahulog, laluna ang mga batang musmos.

Nakausap nina Jake at Monica si Chairman Domeng. “Kalilipat lang ho ’kanyo ng bahay na nilamon…?”

“Tama ka, ‘bigan. Unang gabi dito ng bahay nina Porong at Pining. Dati’y sa bukid nakatirik.”

Kinumpirma ni Monica ang tungkol sa mag-asawang umano’y bagong kasal. “Nakasama daw ho sina Pining at Porong sa bahay?”

“Tumpak, iha,” sagot ni Chairman Domeng. “Hindi na talaga nakalabas sina Porong. Nali­bing nang buhay.”

Naghulog ng tipak ng bato sa butas na lupa ang chairman.

Hindi nila narinig ang pagsayad niyon sa ilalim ng hukay.

Napalunok ang magkasintahang photo-journalist. Walang dudang super-lalim ng sinkhole.

Bagay na kakaiba. Hindi ganitong kalalalim ang mga naiulat na sinkhole sa ibang bansa.

Marami pang tanong sa chairman sina Jake at Monica habang nasa tabi ng sinkhole. “Tatlong araw na ‘kanyo mulang lamunin ng lupa ang bahay pati sina Porong at Pining, tserman?”

“Ganoon nga, iha. At unang araw pa lang e hindi na namin narinig ang kanilang pagibik.”

Pagibik. Hindi ito alam ng magkasintahang taga-Maynila.

“Ano hong p-pagibik, tserman?”

“Pasaklolo. Pagsigaw o paghingi ng saklolo. Iyon ang tinatawag na pagibik. Medyo lumang Tagalog.”

“Meron na ho bang nagtangkang bumaba sa ilalim?” tanong ni Jake.

 â€œMerong dal’wang lalaki na nagtangka, nagtali ng lubid sa baywang saka pumasok sa hukay…pero natakot nang tumuloy, kasi’y naubos na ‘yung lubid wala pa ring makitang dulo.” (ITUTULOY)

 

Show comments