Kung kulang ang katawan sa iodine, ang katawan ay hindi gumagana ng maayos. Ang tao ay nagkakaroon ng goiter o bosyo kung kulang ang metabolism (hypothyroidism), kakulangan sa pag-iisip. Ang mga babae ay mahirap magbuntis, hirap sa pagbubuntis, o madalas na nalalaglag ang ipinagbubuntis, kung makapanganak man, ang mga supling at mababa ang timbang, mahina ang mga katawan at madaling mamatay, mahihina ang utak o mababa ang IQ, o isinilang na mayroon nang mga kapansanan tulad ng pagiging pipi o bingi, o lumaking mga pandak o bansot . Habambuhay na tataglayin ng bata ang kakulangan sa IQ (13.5 puntos ang nawawala) at sila ay kailangan pang alalayan kahit na sa kanilang katandaan.
Ayon sa FNRI 2008 National Nutrition Survey (NNS) ang kalagayan ng iodine sa mga batang 6 – 12 ay sapat lang (132 mcg/L kung ikukumpara sa normal na 100 mcg/L). Subali’t sa mga babaeng nagdadalang tao, ang lagay ng iodine ay kulang (105 mcg/L; normal ay dapat 150 – 249 mcg/L); gayundin sa mga babaeng nagpapasuso (81 mcg/L; normal ay dapat 100 mcg/L). Nagpapatunay ito na ang Pilipinas ay mayroong problema sa nutrisyong iodine ng mga babaeng nagdadalang tao at nagpapasuso. Dapat pagtuunan ng pansin ang kaalaman tungkol sa paggamit ng iodized salt sa kanilang pagluluto at pagkain. Sila rin ay dapat himukin sa wastong pagkain ng mga mayayaman sa iodine at sa pagkakaroon ng regular check-up sa mga doctor o health workers sa kanilang mga thyroid gland, lalung-lalo na ang kababaihan ang madalas na magkakaroon ng goiter o bosyo.
Ang asin ay regular na ginagamit na pampalasa sa pagluluto o hapag kainan. Ang Pilipinas ay mayroong mga batas at palatuntunang umiiral kung gaano karaming iodine ang dapat isangkap sa asin: ito ay 20–40 mcg iodine/ gramo ng asin (20-40 ppm). Kung ang isang tao ay kumakain ng 5 gramo ng asin na may halong 30ppm iodine, siya’y nagkakamit ng 150 mcg iodine sa isang araw.
Isa pang mabuting pinagmumulan ng iodine para sa mamamayan ay ang iodized vegetable oil na nakapagbibigay ng iodine sa katawan sa loob ng isang taon. Ito ay angkop lalung-lalo na kung ang pinagmumulan ng iodized salt ay hindi tiyak. Ang inumin ay puwede ring lagyan ng iodine; ito’y angkop sa mga inuming pambahay o sa paaralan. Ang iodine sa tubig na iniinom ay nakapagpapalinis ng tubig at nakapagtatanggal ng mikrobiyo.