HPV VACCINE: PARA SA MGA DALAGA
Rekomendado rin para sa mga dalaga ang bakuna laban sa HPV, isang uri ng virus na siyang sanhi ng kulugo, at siya ring maaaring magdulot sa kanser sa cervix o cervical cancer. Ito’y isang bagong bakuna na nailabas lang ilang taon pa lamang ang nakakalipas. Ito’y ITINUTUROK sa braso, at ibinibigay ng TATLONG BESES:
1. Mula 10 hanggang 18 taon.
2. 1 buwan pagkatapos ng unang turok
3. 5 buwang pagkatapos ng ikalawang turok
MGA DAPAT TANDAAN
Bukod sa mga nabanggit, may mga iba pang bakuna na maaaring ibigay sa mga batang mataas ang posibilidad na makakuha ng partikular na sakit gaya ng Meningococcal vaccine laban sa sakit na ‘meningococcemia’ na nakaka-apekto sa utak; at ang Rotavirus vaccine para sa ilang uri ng pagtatae; ikonsulta sa inyong pediatrician o iba pang doktor kung ang mga ito’y nararapat.
Dahil sa dami ng mga bakunang ito, mahalagang siguraduhin na may LISTAHAN kayo ng mga bakunang nagawa para sa inyong anak, upang hindi magkalituhan, o magkadoble ng turok. Dahil mayroon na ngayong Internet, magandang itago ang mga ito sa inyong e-mail upang hindi mawala.
Tungkol sa gastos, ang mga nabanggit natin na mga bakuna para sa sanggol ay maaaring available sa pinakamalapit sa health center, at maaaring ibinibigay ng libre o sa murang halaga lamang ng gobyerno; magandang i-check muna ang mga ito kung available ba. May mga health center na gumagawa rin ng record ng mga bakuna ng bawat bata, kaya magandang makipag-ugnayan sa mga barangay health worker (BHW) o midwife sa inyong barangay. Ang mga bakunang ito ay available rin sa klinika ng inyong pediatrician, o sa mga ospital.