Dear Vanezza,
Ako po’y broken-hearted, binata, 30 years old. Naging miÂserable ang buhay ko sapul nang iwanan ako ng babaeng minahal ko nang lubos pero sa dakong huli ay nagtaksil sa akin. Nagsama kami sa loob ng isang taon at kalahati. Sa kanya lamang umikot ang mundo ko. Pero hindi ko sukat akalain na kapag ako’y nasa trabaho ay may kinakatagpo siyang ibang lalaki. Nakumpirma ko ito nang minsang maaga akong umuwi. Hindi mabuti ang pakiramdam ko at parang lalagnatin kaya nag-half day ako. Hindi ko akalaing bubulaga sa akin ang isang tagpong dudurog sa aking puso at pagkalalaki. Nahuli ko sila sa aktong nagtatalik. Nakapagtimpi ako at pinalayas ko na lang siya sa sama ng loob. Pakiramdam ko’y gumuho ang daigdig ko at gusto ko nang wakasan ang sarili kong buhay. Ano ang gagawin ko para mapawi ang pait sa aking dibdib? - Jojo
Dear Jojo,
Hindi pa katapusan ng mundo at huwag mong hayaan na ang isang masaklap na karanasan ay maging daan para maging miserable ka habambuhay. Mahirap mang lumimot, hindi imposibleng gawin ito. May kasabihan na mas mabuting umibig at mabigo kaysa hindi umibig kailanman. Kung minsan, ang pagmamahal ay may kaakibat na sakit at sakripisyo. Ito ang magpapatatag sa atin sa susunod pang mga heartaches. Kalimutan mo na ang nakaraan at marami pang pag-ibig na naghihintay sa iyo.
Sumasaiyo,
Vanezza