Ang almoranas ay tumutukoy sa kalagayan kung saan ang ugat sa paligid ng anus, na mas mababang bahagi ng tumbong, ay namamaga, namumula at lumago ng higit sa normal na laki. Ito’y isang pang karaniwang kundisyon na kadalasa’y hindi naman seryoso, ngunit nakakasagabal sa isang indibidwal. Bagamat maaaring maapektuhan ng almoranas ang anumang edad, ito ay karaniwan sa edad na 40 hanggang 60.
Ang uri ng almuranas ay batay sa kung saan ito tumutubo. Ang internal hemorrhoid, kung saan ang ugat sa loob ng tumbong ang kasangkot. Maaaring ito ay dumudugo nang walang kasamang anumang sakit. Ang matingkad na kulay pulang dugo sa dumi ang pinaka-karaniwang sintomas nito. Ang prolapsed hemorrhoid ay maaaring mabanat hanggang sa umusli ito sa labas ng anus. Maaaring bumalik ito nang kusa papasok sa loob ng tumbong o dili kaya’y kakailanganin ang marahang pagtulak nito pabalik sa loob. Ang external hemorrhoid ay ang ugat sa labas ng anus ang kasangkot dito. Ito ay maaaring makati o masakit at maaaring minsan mabiyak at dumugo.
Parehas sa varicose veins ang mekanismo ng pagkakaroon ng almoranas. Ang mga veins ang daluyan ng dugo pabalik sa ating puso. Kapag may ‘pressure’ o puwersa na humaharang sa pagdaloy ng dugo pabalik sa puso, lumalaki ang mga veins. Sa ating anus, ang pag-iri kapag nagtitibi o nagtatae ay maaaring sanhi nitong pagtaas ng pressure o puwersa na nagdudulot sa pagkakaroon ng hemorrhoids. Pagbubuntis o pagkakaroon ng bukol sa bahaging ibaba (gaya ng pagkakaroon ng myoma sa babae o paglaki ng prostate sa lalaki), pagbubuhat ng mabigat o anumang gawain na maaaring magdulot ng pagkapuwersa, pagtanda, labis na katabaan, palagiang nakaupo, matinding pag-ubo, at pagtatalik gamit ang anus ay mga sanhi ng pagkakaroon ng almoranas.