‘Black Angel’ (36)

SA BUBONG  ng bahay ng personalidad na sangkot sa Pork Barrel Scam ibinuhos ng Black Angel ang nabubulok na basura.

KRASSSH.  I­ngay itong likha ng bumubuhos na basura sa bubong.

Malakas ang simoy ng  panggabing hangin, umalingasaw agad ang baho ng basurang iyon sa village.

Nahagip ng mga mata ng sekyu ang itim na anghel. “Barilin, dali!”

BANG. BANG. BANG.

Hindi man lang tinamaan ang Black Angel. Matiwasay itong nakalipad, nakalayo agad sa himpapawid.

UMAGA, naging malaking palaisipan sa village kung paanong nagkaroon ng nabubulok na basura sa bahay ng personalidad.

Ayaw nilang maniwala sa version ng mga sekyu na isang itim na anghel ang nagtapon ng napakabahong basura.

Ang alam lang ng mga ito, dapat munang maalis ang umaalingasaw na  basurang iyon.

Ang personalidad na sangkot sa scam, isang lawmaker actually, ay labis nang kinakabahan.

Pati ba supernatural beings ay naba-bother ng naganap na pagnanakaw sa kaban ng bayan?

Ipatatawag daw ang mga sangkot sa mga susunod na hearing sa senado. Ngayon pa lang ay hindi na makatulog sa pag-iisip ng depensa ang lawmaker na ito.

ALAM ng Black Angel na pangangatawanan ng dirty lawmaker ang nauna nang depensa. “Pineke po ang pirma ko, Your Honor!”

Napapailing ang itim na anghel na dating matinong pari. Nakinikinitang hindi tatanggapin ng bayan ang ganitong palusot.

SA super-liit na isla, habang paubos na ang food supply na ‘hulog ng langit’, sina Richard at Wendy ay unti-unti nang nakakakita ng liwanag.

Tumitibay ang pag-ibig nila sa isa’t isa. “Kung dito man tayo tuluyang mamamatay sa isla, Richard, so be it. Magkasama tayong makikiusap sa Diyos, aking mahal.”

“Same here, Wendy. Isinusuko ko na kay Lord ang lahat kong kasalanan. Babalik tayo sa Kanya na lubos nang nagsisisi.”  (ABANGAN)

 

Show comments