‘Black Angel’ (30)

DINIG ng Black Angel ang usapan nina Richard at Wendy sa super-liit na isla sa ibaba.

“Gutum na gutom na ako, Richard. Siyet.”

“Wendy, pareho lang tayo! Kapag nakabalik tayo sa sibilisasyon, kukuha ako ng shotgun at pagbababarilin ko sa mukha ang  Black Angel na ‘yon! Hinayupak siya! Bullshit!”

Napapangiwi  ang Black Angel. Kung puwde lang ay nais na niyang patulan si Richard, gulpihin ito. Napakadali niyang makalilipad pababa mula sa kinatatayuang ulap.

Pero ang hangad na pagpapakabuti at maging kaayaaya sa mata ng Diyos ang pumipigil sa Black Angel na maging bayolente.

Pang-unawa at pagmamahal sa tao—laluna kina Richard at Wendy—ang dapat niyang ibahagi sa mundo.

Siya, ang Black Angel, ay may commitment na tuparin ang misyong iligtas ang dalawang naliligaw ng landas.

Sinilip niyang muli ang estado nina Wendy at Richard. “Gutum na gutom at uhaw na uhaw na, pero ayaw po rin nilang magsisi—isuko ang pagi­ging materyoso, isumpa na ang pagkakalat ng droga.”

“WENDY, MAY BARKO! HAYUN!” sigaw ni Richard, nakaturo sa laot. “DAPAT MAPANSIN TAYO DITO!”

Sinundan ng tingin ni Wendy ang itinuro ng binata. “Oh my gosh…meron nga!”

Tinunghayan ng Black Angel ang scenario sa dagat. Nakitang merong cargo ship na napakalayo sa super-liit na isla.

Magagawa ng Black Angel na mailapit kina Richard ang barko, kung nanaisin niya.

Pero ayaw pa niyang naisin. Pababayaan niyang ang dalawa ang lumikha ng tadhana.

“Maghubad uli tayo ng damit, Wendy, dali!”

“B-Bakit…?”

“Iwawagayway natin! Parang bandera! Para madali tayong mapansin ng nasa barko!”

Madali nga silang naghubad; undies lang ang inilabi.

Napapailing sa iba­baw ng ulap ang Black Angel, alam na mas­yado nang desperado ang dalawang mortal.  (ITUTULOY)

Show comments