‘Black Angel’ (20)

BIGLANG natauhan si Wendy sa katotohanan—na kaya naging big-time drug pusher si Richard ay dahil sa kanyang pagiging material girl.

“Ako pala ang nagtulak sa iyo para gumawa nang masama, Richard. Gusto mong sundin ang lahat ng kapritso ko…” Yumakap siya sa boyfriend.

Nabuhayan ng pag-asa ang binata. “Wendy…may katwiran ka rin naman, e. Hindi ko sinabing hindi ako mayaman…”

Ang Black Angel ay napapailing. Alam na iba ang tinutumbok ng dalawang young lovers—hindi naaayon sa kabutihan.

Naghahalikan sina Richard at Wendy, magkayakap nang mahigpit.

Mayamaya pa, hinarap na ng dalawa ang anghel na itim.

Si Richard ang nag-uutos this time. “Ililigtas mo kami sa mga nais pumatay sa amin, Black Angel!”

Isinulat nito sa papel ang tugon. “Bakit ko naman kayo ililigtas?”

“Tanong ba ‘yan? Iisa ang kulay ng buto natin—maitim! Kaya dapat lang na tulungan mo kami!”

Galit na sumulat uli sa papel ang anghel na itim. Madiin, halos mabutas ang papel. Ipinabasa sa dalawa. “Ang misyon ko’y pahintuin ka sa paggawa ng kasalanan sa lipunan, Richard; hindi ang pagkunsinti sa criminal activities mo.  Repent! Magsisi ka nang taimtim!”

“Black Angel, napakabata pa namin ni Wendy para magsisi! Ngayon pa lang kami magpapasasa sa masarap na buhay! At masarap ang buhay kung napakaraming pera!”

“At paano na ang mga kabataang nalululong sa droga mo, Richard?” tanong ng Black Angel sa sulat.

“Kasalanan ng mga pabayang magulang nila iyon! At gago ang mga kabataang nagiging addict, sila ang nagdadala sa sarili nila sa impiyerno!” salag ni Richard. Si Wendy ay nabubulagan din. “Saka na kami magsisisi, kapag matatanda na kami…hindi pa ngayong batambata pa kami. The world belongs to the young—na maraming pera!”

Naningkit sa galit ang Black Angel. Lumara­wan sa mukha ang ngitngit sa kabiguan.

Mabilis na tinakbo nito ang dingding—binangga nang super-lakas. BRAAM.  Nabutas ang wall sa lakas ng impact. (SUBAYBAYAN)

 

 

Show comments