‘Black Angel’ (10)

NAPATITIG kina Richard at Wendy ang lalaking maliit, kagalang-galang ang anyo. Ihininto muna nito ang paglalagay ng sariwang bulaklak sa altar ng simbahan.

“Ano ang kailangan ninyo kay Pipoy Dacuycoy?”

“Personal po, manong,” magalang na tugon ni Richard.

Saglit na nag-alanganin ang lalaki.

“Doon tayo sa patio,” sabi nito, itinuro ang labas ng simbahan.

“Narito po ba si Pipoy Dacuycoy?” ulit ni Wendy.

“Ako si Pipoy Dacuycoy,” halos bulong ng maliit na lalaki.

Halatang natigilan sina Wendy at Richard. Ang inaasahan nila ay tipong sakristan, simpleng tao; hindi edukadong mayaman.

 Nakipagkamay sila kay Pipoy Dacuycoy. “Glad to meet you po.”

“Importante po ang sadya namin sa inyo, sir.” Nasa patio na sila ng simbahan, magkakatabing nakatayo sa lilim ng punong acacia.

“Taga-BIR ba kayo?”

“Naku hindi po, sir.”

“NGO, hihingi ng donasyon?”

“Hindi rin po,” napapangiting sagot ni Richard.

Tumuwid ng pagkakatayo ang maliit na lalaki. “Makikinig ako. Gandahan ang pagsasalaysay. Huwag maligoy kung puwede.”

“Sir Dacuycoy, kilala po kayo ng black angel.”

“Excuse me?”

“May nambubuwisit po sa akin na black angel—40s, 6-footer, maitim ang katawan pati pakpak, normal ang kulay ng mukha, mahaba at makapal ang buhok, guwapo…”

Namutla ang maliit na ginoo, napamura. “Holy shit!”

Biglang bawi rin, tumingala. “Sorry po sa bad words, Lord. Bulaklak lang po ng dila, hindi sinasadya.”

“Kilala n’yo po ba ang black angel?” tanong ni Richard.

Hindi makasagot si Pipoy Dacuycoy. Hindi makapaniwala. “N-naging black angel siya?”

“Sino po siya, sir?” tanong ni Wendy.

“Siya ang matalik kong kaibigan—isang pari.” (ITUTULOY)

 

 

Show comments