‘Black angel’ (7)

“KAILAN mo ba ipakikilala sa akin ‘yang nobya mong material girl, ha, Richard?” tanong ng mamang ng binata.

“E…kukumbinsihin ko pa ho si Wendy. Alam na ayaw ninyo sa kanya kaya umiiwas, Mamang.”

“Sinabi mong ayaw namin ng papang mo sa kanya?”

“Oho. Alangan namang magsinungaling ako. Anyway, sabi ni Wendy, basta raw nagmamahalan kami, hindi siya dapat mag-worry.”

Umiling ang inang makaluma. “Ibig sabihin niyan, anak, wala siyang pakialam sa amin sakaling makasal kayo. Ayoko nang ganyang babae.”

Naghikab ang binata. “Hohummm.”

“Oo na. Matulog ka na, Richard. Ganyan ka naman kapag medyo sinisermunan, biglang naghihikab…”

“Goodnight po, Mamang. I love you.”  Muling nag-kiss sa noo ng nanay si Richard, kasunod ay pagpunta na sa sariling bedroom.

“Sabi pala ng papang mo, makikipaglamay tayo sa kumpare niyang nakaburol, bukas ng gabi. Agahan mo raw ang uwi.”

Napahinto ang binata. “Mamang, hindi puwede bukas ng gabi. Special date namin ‘yon ni Wendy, hindi puwedeng i-postpone.”

“Bihirang humiling ang papang mo. Kapag nalamang uunahin mo ‘yung magastos mong nobya—bahala ka.”

Napabuntunghininga ang binata. Ayaw na ayaw pa naman niyang mabibigo ang ama. “Mamang naman…last week pa ho naka-set ang date namin ni Wendy bukas. Ipaliwanag na lang ninyo kay Papang.”

“No, ikaw ang magpaliwanag kung gusto mo. Ikaw mismo ang tumanggi sa papang mo.” Nakasimangot ang ina.

“Bahala na ho, Mamang. Bukas siguro.”

“Ang magagawa ngayon, huwag ipagpabukas sabi ni Dr. Rizal.”

“Sabi ho ng doctor ko, kapag antok na antok na—matulog.”

Iningusan siya ng ina, nagbalik na ito sa silid-tulugan.

Si Richard ay naghihikab na pumasok na sa sariling bedroom.

Patay ang room light, binuksan niya. Klik.

Bumaha ang liwanag sa silid. Napaigtad si Richard sa nakita. “Anak ng tokwakang—”

Nakahiga sa kama niya ang mahiwagang nilalang—ang mismong black angel—gising na nakatingin sa kanya. (ITUTULOY)

Show comments