‘Black Angel’ (3)

“ANO ‘KA MO, Dineros? Sino ang palalabasin ko bukod sa iyo?” tanong kay Richard ng guard na tagasara sa classrooms ng evening session.

“May kasama akong naka-costume ng black angel, kuya guard. Nagsusulat siya sa blackboard bago ka dumating.” Napapakamot ng ulo ang binatang graduating na sa college. “Biglang nawala.”

Hindi na niya makita sa classroom ang lalaking istranghero.

Pumasok ang guard.  “Baka nagtago sa mga desk, hanapin natin. Tagarito ba o outsider?”

“Outsider, ngayon ko lang nakita. Maganda ang costume, para talagang black angel, kuya guard.”

“Baka intruder, siguro’y nakalabas nang di natin namalayan. Itatawag ko sa gate guards,” pasya ng guwardiya, tuloy sa paghahanap sa suluk-sulok ng classroom. Napabungtunghininga si Richard. “Imposibleng sa pintuan siya nagdaan, kuya guard. E di sana’y nakita natin.”

“Alangan namang multo ‘yon, ha, Dineros? O baka naman…nag-i-imagine ka? Bangag ka ba?”

Nainis si Richard. “Hindi ako kailanman nag-take ng drug!”

“Okey, okey, huwag kang mapikon. Wirdo kasi ‘yung sabi mong may Black Angel, kaya naghanap ako ng rason,” salag ng guwardiya.

Napailing si Richard. Ayaw na ayaw niyang mababanggit man lang ang tungkol sa droga. “Lalabas na ako,” mahinahon na niyang sabi sa guard.

“At paano ‘yung sabi mong outsider na suot-black angel?”

Nagkibit-balikat ang binata. “Bahala siya sa buhay niya.”

Ikinandado na ng guwardiya ang classroom. Nakalayo na si Richard.

Lito ang binata. Hindi maisip kung paano basta nawala ang lalaking naka-costume ng black angel.

Escape artist ba ito—gaya ni Houdini at ng iba pang great magicians?

May biglang naalala. “Ayaw nga pala niyang magsalita. Instead, nagsulat sa blackboard. Na siya raw ay real black angel at may misyon…”

Patakbo siyang nagbalik sa classroom. Naisara na iyon ng guard. “Wait, kuya, may titingnan pala ako sa loob!”

“Ano, Dineros?” Kung ano raw ang titingnan niya. “Katibayan-- na nakakita nga ako ng outsider na suot-black angel. Nagsulat pa nga sa blackboard.” (ITUTULOY)

Show comments