Kung ikaw ay ‘Single Parent’...

Ito ay huling bahagi ng paksa kung paano magkakaroon ng matagumpay na pamilya sa kabila ng pag-iisa o pagiging “Single Parent”. Narito pa ang ilang paraan:

Personal na oras. Hindi naman porke single parent ka ay wala ka ng oras para sa iyong sarili dahil lahat ng tao ay dapat na maglaan ng oras para sa kanyang sarili para makapagmuni-muni o mapag-aralan ang mga bagay na nangyayari sa kanyang buhay at mapanatili ang pagkakaroon ng maayos na desisyon.  Maaari kang magtungo sa spa, parlor o kahit sa park na makakapag-relax ka ng iyong isip.

Huwag sisihin ang sarili. Anuman ang naging dahilan kung bakit ka naging single parent ay hindi dapat pagsisihan o sisihin ang sarili. Isipin pa rin ang pagpapahalaga sa iyong sarili.

Pahalagahan ang anumang bagay na  mayroon ka. Anuman ang iyong kakayahan o talento, maliit man o malaki ito, dapat na maging proud ka sa iyong sarili. Mula din dito ay humanap ka ng iyong magi­ging kabuhayan. Hindi dapat huminto ang mundo mo rito. Abutin mo ang iyong mga pangarap.

Palaging maging handa. Tiyakin mong mayroon kang contact number ng mga child crisis center, social worker,  istasyon ng pulis at ospital para kung mayroong emergency ay alam mo kung saan ka hihingi ng tulong.  Lumisan kung ikaw ay nasa isang delikadong lugar na tinitirhan o nasa isang hindi mabuting relasyon sa iyong mga kapitbahay. Ang kaligtasan mo pa rin at ng iyong anak ang iyong priority.  Dapat ka din matuto ng pagsasagawa ng CPR para sa oras pa rin ng emergency.

Labanan ang kalungkutan. Ito man ang iyong naging sitwasyon, hindi ka dapat  na malungkot, nakakaramdam man nito, dapat na  paglabanan. Mas mabuting isipin ang masasayang panahon na kasama mo ang iyong anak o di kaya ay ayain ang mga bata na maglakad-lakad para malibang at mawala ang kalungkutan.

Show comments