‘The Beautiful Ones’ (13)

INUTUSAN ni Oreo ang heneral na zombie na sunugin agad ang sasakyan ng mga biktima, para daw walang ebidensiya.

“Kailangan…ko…ng…lighter,” sabi ng heneral, bahaw, napakabagal ng tinig. “Dalian…mo…”

“Mali, alagad! Ako ang dapat magsabi ng ‘dalian mo’!” puna ni Oreo, dinukot na sa bulsa ang lighter.

Klik. Klik. Klik. Maraming ulit na pinisil ng zombie ang lighter.

“Ayaw…magsindi…Boss…Oreo…”

“Buwiset na lighter ‘yan, kung kelan kailangan…!” talak ng bading, naghagilap sa handbag.

“Heto, alagad. Posporo.”

Kinuha ng heneral na zombie, susunugin agad ang sasakyan.

“Teka-teka! Lalayo muna kami, general!”sigaw ni Oreo, kasamang pinalayo sa SUV ang iba pang zombies.

Tsikiss. Nagkiskis na ang heneral, nag-apoy ang palito.

Ihinagis iyon sa bukas nang cover ng fuel tank. 

Sigaw uli si Oreo. “Layo, bilis, general! Baka masabugan ka!”

BLAAMMM. Nakabibingi ang pagsabog.

Nasabugan ang heneral na zombie, lasug-lasog.

Nakatingin sa sumabog ang mga nalabing zombie. Si Oreo ay umaatungal. “WAAAH…DALAWA NA ANG NALAGAS SA AKING MGA ALAGAD…NAPAKASAKIT NAMAN…”

Kabilang sa nalalabi ang lumang  politician, ang prinsesa ng talipapa, ang atleta ng  track & field at ang guwapong basketbolistang Amerkano.

“Nadaya ako ni Satanini…siya ang pumatay kay Hollywood actress at sa general ng kopong-kopong.” Matindi ang hinanakit ni Oreo sa ka-deal.

Para kay Oreo, winalanghiya siya ng kausap na taga-impiyerno.

Hindi daw pala ito mapagkakatiwalaan.

“Sabagay, kailan ba maaasahang magiging parehas ang demonyo? Kaya nga siya demonyo, e, super-sama niya!”

Pinalulan na niya sa family van ang nalalabing zombies. Sa unahan niya pinaupo ang lumang politician na makisig at may bigote.

“Aliwin mo kami, politician. Magtalumpati ka,” utos ni Oreo sa katabing zombie.

(ITUTULOY)

 

 

 

Show comments