Isa ka bang ‘Narcissist’?(5)

Ito ay huling bahagi ng paksa kung paano mo malalaman na isang Narcissist ang iyong karelasyon.

Maituturing kasi na manhid ang isang tulad nila dahil sa sobrang pagmamahal lang nila sa kanilang sarili at sa mga bagay na magbibigay ng benepisyo sa kanila. May ilang biktima ng Narcissist ang nagtatanong kung naging mahalaga ba sila sa taong ito? Oo naman, naging mahalaga ka sa isang Narcissist dahil minsan sa buhay niya ay nakakuha siya sa’yo ng pagmamahal at atensiyon na bumubuhay sa kanyang ego at pagkalalaki. Ngunit huwag ka ng umasa na mamahalin ka niya at magtatagal ang inyong relasyon dahil para sa isang Narcissist palaging mayroong mas nakahihigit sa’yo at ito ang walang humpay niyang hahanapin.  Hindi kasi partner sa buhay ang tingin ng isang Narcissist sa taong nagmamahal sa kanya kundi isang tagasunod o alipin lang ng kanyang mga nais at hangga’t naibibigay ng taong ito ang lahat ng kapritso ng isang Narcissist, magiging mahalaga siya dito. Kaya kung hindi mo bubuksan ang iyong mata at isip, tiyak na hindi ka makakawala sa “scheme” ng Narcissist. Dahil hangga’t may nakikita pa siya at alam niyang makukuha pa siya ng Narcissistic supply mula sa’yo babalik at babalikan ka niya hanggang sa mawala na ang tunay na ikaw at maging 100% alipin na niya ang iyong puso at emosyon. Kung gustong makawala sa ganitong uri ng relasyon, dapat na magkaroon ng pagmamahal sa sarili at huwag ng pakinggan ang napakaraming dahilan ng isang Narcissist. Dahil kahit ilang ulit kang babalikan nito, mauulit at mauulit lang ang pangit na ikot ng inyong relasyon dahil manhid ang ganitong uri ng tao. At kahit na sino pa ang maging karelasyon niya, magiging kawawa lang ito dahil siya ang bagong biktima.  Dapat tandaan na hindi madaling maging karelasyon ang isang Narcissist dahil kinakailangan nila ng isang medikasyon o treatment para magbago. Kaya mas mabu­ting hayaan mo na lang siya sa nais niyang buhay at magpatuloy kang limutin ang isang tulad ng Narcissist. Mas masarap mabuhay at umibig ng walang ginagawang eksena sa inyong pagitan at idinideklarang siya ang hari sa iyong buhay.

Show comments