‘Beautiful ones’ (2)

MULA pagkabata ay inapi na ng kapwa si Oreo dahil sa kanyang pagi­ging bakla. Tumakas siya sa malupit na stepfather, tumira sa ilalim ng tulay, lalong nagkahirap-hirap sa buhay.

Gabi-gabing luhaan siyang nananalangin sa kalaban ng Diyos, na sana ay payamanin siya nang husto—para mabalikan ang mga nang-api sa kanya.

“Iyo na ang kaluluwa ko after 20 years—kung gagawin mo akong super-yaman, ‘Tanas, Prince of Darkness!”

May kulambong butas-butas si Oreo, umaaligid sa kanya ang mga daga habang siya’y natutulog sa ilalim ng tulay-- matapos ang maghapong pagtitinda ng tinapa at daeng. Masama ang kanyang loob, galit sa mundong mapang-api.

WEEIING-WEEINNGG. Malakas na ingay ito ng wang-wang ng police car. May hinahabol na masasamang loob.

Nagising si Oreo, nasaksihan ang habulan.

Nagtapi siya ng tuwalya saka lalong nag-usyoso, nakakubli sa tabing daan, sa puno ng tulay.

Nagbabarilan habang naghahabulan ang mga pulis at masasamang-loob. BANG-BANG-BANG. BRATATAT-TATATT.

“Ayy, ayy, ano ba ‘yan? Nagpapatayannn!” Natataranta si Oreo, tumatalsik ang mga daliri habang takot na takot.

BLAG. May inihagis na black bag ang masasamang loob, bumagsak sa kinaroroonan ni Oreo.

WEEIINNG-WEEIINNGG. Tuloy ang habulan, palayo na kay Oreo.

Kinakabahang kinuha ni Oreo ang itim na bag na namimintog sa ewan niya kung ano.

Bubuksan ba ng bakla?  “Paano kung ang laman pala e…pugot na ulo ng tao?”

Pikit-matang binuksan, saka dumilat si Oreo.

Nayanig siya sa laman ng bag. Mas angkop sabihing si Oreo ay hindi makapaniwala. “S-sangkatutak na pera…puro lilibuhin…”

Wala nang isip-isip na binitbit niya ang bag, nagbalik sa lungga sa ilalim ng tulay.

“Milyun-milyon ito!  Hindi ko kayang bila­ngin sa dami! Oh my gulay! Oh my gulay!” Nakita niya sa liwanag ng buwan ang super-laking yaman. “Finders keepers! Super-rich na akooo!” (ITUTULOY)

 

Show comments