Insecure sa pagmamahal ni mister

Dear Vanezza,

I’m Mica, 26 years old at may asawa. Isang medical representative ang husband ko at madalas kaming nagkakalayo dahil kung saan-saang probinsiya siya nagtutungo. Minsan lang sa isang linggo kung kami magkita at kinabukasan ay larga na naman siya patungo sa ibang destinasyon. Pakiramdam ko, kahit may asawa ako ay parang wala dahil minsan sa isang linggo kung umuwi siya sa bahay. Tuloy, kung anu-ano ang pumapasok sa isip ko. Na siya ay may iba nang pamilya at pinagtataksilan ako. Masyado akong insecure dahil guwapo ang asawa ko at ako’y hindi naman kagandahan. Nag-iisa ang anak namin na paborito ng mister ko at sa tingin ko siya lang dahilan kung bakit umuuwi pa siya. Ayaw ko naman siyang kausapin tungkol dito dahil natatakot ako baka masaktan lang ako. Ano ang gagawin ko para mawala ang aking takot?

Dear Mica,

Ang matibay na relasyon ay may kaakibat na tiwala sa isa’t isa. Kapag mahal mo ang tao, buong-buo mong ibinibigay ang pagtitiwala sa kanya. Sa halip, ituring mong masuwerte ang sarili mo. Kahit hindi ka kagandahan ay inibig ka at pinakasalan ng isang guwapo. Isa lang ang kahulugan niyan, mahal ka niyang totoo. Kaya bakit ka mangangamba? Kung madalas mang out of town ang asawa mo ay ito ang hinihingi ng kanyang trabaho. Ahente siya ng gamot at natural lang na magtungo siya kung saan-saan. Mangamba ka sa sandaling nagkukulang na siya sa iyo at sa iyong pamilya. Pero hangga’t nakikita mo ang pagka-uliran niyang asawa, wala kang dapat ikatakot. Kung walang ipinagbabago sa kanyang ugali, wala kang dapat ipangamba.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments