Hindi hadlang ang propesyon sa pag-ibig

Dear Vanezza,

Ako’y 45 anyos na. Hindi ako nakapagtapos ng college. Gusto ko rin namang magkaroon ng asawa’t anak someday at ayaw kong maging old maid habambuhay. Minsan lang ako nagka-bf noong ako’y 20 anyos. Hindi kami nagtagal dahil sa nakita kong kapintasan niya. Tuloy lagi akong kinakantyawan ng mga kaibigan ko na masyado akong pihikan. Baka raw maiwan ako sa biyahe. Ngayon ay umiibig ako sa isang propesyonal na lalaki. Isa siyang college professor. Alam kong may gusto siya sa akin pero nahihiya siyang aminin sa kanyang sarili at sa akin. Alam ko rin na kakantyawan siya ng kanyang mga kaibigan at kaopisina sakaling mapangasawa ako dahil hindi ako propesyonal at mababa ang pinag-aralan. Anong mabuti kong gawin? - Kay

Dear Kay,

Ang problema ay hindi naman siya nanliligaw sa’yo. At sa edad ninyo ngayon wala na siguro ang hiya-hiya kung talagang gusto ka niya. Hindi naman siya teenager para matorpe. At kung magpo-propose siya sa iyo at sagutin mo, wala kang dapat ikahiya Hindi problema kung may natapos man siya at ikaw ay wala. Ang importante ay nagmamahalan kayo. Ang kuwestyon lang ay kung magkaanak pa kayo tulad ng inaasam mo dahil 45 anyos ka na. Ngunit may anak man o wala, ang mahalaga ay ang pag-iibigan ninyo.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments