Alagaan ang balat ngayong ‘summer’ (1)

Dahil sa sobrang init ng panahon nga­yon, mabilis na natutuyot ang balat dahil minsan ay nagkukulang ka na sa tubig sa iyong katawan. Minsan din ay dahil sa talagang napapabayaan mo na ang iyong sarili na alagaan at pagandahin, marahil dahil sa kakulangan sa budget o di kaya ay sa oras. Narito ang ilang paraan para matugunan mo ang pangangailangan mo sa iyong pisikal na katawan  ng hindi naman masyadong sasakit ang iyong bulsa at hindi kukunsumo ng marami sa iyong oras dahil sa loob ng iyong bahay ay maaari mo ng matagpuan ang mga ito: Mag-exfoliate – Dahil sa summer ngayon, mas mabilis magkaroon ng dead cells ang balat at dapat na matanggal ang mga ito para hindi ma-dry ang iyong balat. Agad na paghaluin ang brown sugar, honey at olive oil. Pigaan din ito ng lemon o orange oil. Mahusay itong gamitin lalo na kung ang iyong balat ay mabilis tubuan ng acne. Ipanghilod ng pabilog ang pinaghalu-halong nabanggit na sangkap sa iyong katawan, lalona sa iyong siko at paa.

‘Foot Mask’ – Hindi lang mukha ang dapat na inaalagaan, dapat mo rin bigyang-pansin ang iyong mga paa. Lalo na kung sobra itong napagod mula sa pagsasayaw at paglalakad. Bakit hindi ka maghalo ng oatmeal, corn meal, asin at olive oil. Lagyan din ng kaunting aloe vera gel at saka ikuskos sa iyong mga paa. Tiyak na makakapagbigay ito ng ginhawa.

‘Steam facial’ - Kung gusto mong malinis ng husto ang iyong mukha, bakit hindi subukan ang pag-i-steam ng mukha. Ginagawa ito sa pamamagitan ng pagtatapat ng iyong mukha sa mainit na usok mula sa mainit na tubig. Ang mainit na usok na ito ang magpapabukas ng iyong pores sa mukha upang malinis mo ito ng mabuti. Saka maglagay ng moisturizer para sa mas magandang balat sa iyong mukha.

Palambutin ang iyong kamay – Para sa magandang kamay, gumamit ng moisturizing scrub na gawa mula sa olive oil, asukal, grape seed oil at almond. Ikuskos ito sa kabuuan ng iyong kamay. (Itutuloy)

 

 

Show comments