Maaari ka bang magtago ng isang sekreto? Mapagkakatiwalaan ka ba? Ito ang mga katanungang dapat mo munang sagutin sa iyong sarili bago ka tumanggap ng isang sekreto mula sa iyong kaibigan? Hindi lahat ng tao ay maaaring mapagkatiwalaan ng sekreto, lalo na kung ito ay isang “interesting†na bagay na sa tingin mo ay magiging interesado rin ang iba kung ito ay iyong sasabihin sa kanila o sa madaling salita, ito ay masarap gawing tsismis. Ngunit hindi mo ba naiisip na ang pagtiwalaan ka ng iyong kaibigan ng isang sekreto ay isang malaking bagay sa iyong pagkatao? Dahil ang ibig sabihin nito ay may respeto at malaki ang paniniwala niyang ikaw ay mapagkakatiwalaang tao o kaibigan. Narito ang ilang bagay na dapat mong ikonsidera bago mo tuluyang ipagsigawan ang isang sekreto ng iyong kaibigan.
Respeto – Isipin mong mabuti ang pangakong binitiwan mo sa iyong kaibigan na nagtiwala sa’yo ng isang sekreto bago mo tuluyan itong isiwalat sa buong mundo. Isipin mo na lang na wala kang karapatan na magsabi ng sekretong ito sa iba dahil hindi naman ikaw ang sangkot sa sekretong ito.
Suriin sa iyong sarili bakit mo nais na isiwalat sa ibang tao ang sekreto – Dapat mong pag-aralan ang iyong motibo bakit mo gustong sabihin sa iba ang sekretong ipinagkatiwala sa’yo. Kung sa tingin mo ay makakabuti sa taong sangkot sa sekreto na sabihin ito sa iba, lalo na sa kanyang kaanak, maaari mong gawin itong konsiderasyon. Halimbawa, kung ang ibinigay niyang sekreto sa’yo ay isang pag-amin na siya ay addict sa droga, dapat mo itong ipaalam sa mga taong nagmamalasakit ng husto sa kanya.
Itago pa rin ang sekreto kahit nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan – Hindi katuwiran ang inyong hindi pagkakaunawaan para ibulgar mo na ang sekreto ng iyong kaibigan. Huwag mo itong gamitin na ganti laban sa kanya. Kapag ginawa mo ito tiyak na masisira ang inyong pagkakaibigan.
Huwag tanggapin ang sekreto – Kung ang iyong kaibigan ay nagsabi sa’yo ng sekreto at gagawin ka niyang kasabwat dito, hindi mo dapat tanggapin ang sekretong ito dahil tiyak na mapapahamak kayong dalawa sa bagay na ito. May karapatan kang tumanggi sa pagtatago ng isang maanomalyang sekreto.
Kung nagkabaliktad kayo? – Isipin mo na lang na kung nagkabaliktad kayo ng sitwasyon ng iyong kaibigan at siya ang nagbulgar ng iyong sekreto? Hindi ka ba makakaramdam ng pagkapahiya, depresyon at kalungkutan? Ito tiyak ang mararamdaman mo sa oras na ibinulgar niya ang iyong sekreto. Kaya dapat sundin ang golden rule “ Don’t do to others, what you don’t want to do to youâ€.
Mag-diary – Kung ikaw ang tipo ng tao na kinakailangan pa ng “outlet†para sa isang bagay, mas makabubuting mag-diary ka na lang. Dito mo isulat lahat ng laman ng iyong isip hinggil sa sekretong iyong narinig. Gayunman, tiyakin mong walang ibang makakabasa ng diary na ito. Kung hindi mo naman mapipigilan ang iyong bibig sa pagsasalita, maaari mo rin naman ibahagi ang sekretong ito sa iyong “pet†o alagang hayop.