Dear Vanezza,
Dati akong nagtrabaho sa Saudi. Habang nandoon ako sa ibang bansa, tuwing sahod ko kaagad kong pinapadalhan ng pera ang aking girlfriend at nag-iipon kami sa bangko para pambili ng pinapangarap naming bahay at lupa. Ang masaklap, nang bumalik ako sa Pinas matapos ang aking kontrata, mayroon nang ibang bf ang gf ko. Napakasakit ng pangyayaring ito. Kung kailan ko siya minahal nang todo, niloko lang niya ako. Tinatanong ko ang aking sarili kung saan ako nagkamali at bakit niya ito nagawa sa akin. Hindi niya pinahalagahan ang aking pagmamahal. Hanggang sa malulong ako sa droga at makulong. Pero nagpakabait ako sa loob kaya hindi ko natapos ang sentensiya ko at nakalaya rin ako. Ngayon ay inaasam kong muling manumbalik ang maayos kong buhay. - Omer
Dear Omer,
Talagang ang pag-ibig ay mahirap ispelengin. Kung kailan mo minamahal nang todo ang babae ay saka naman ito lumalayo sa’yo. Pero hindi naman lahat ng babae ay taksil. Kaya sa isang relasyon, kailangan ang kaunting higpit at kaunting luwag para hindi ma-suffocate ang kasintahan. Marahil, nainip na rin ang gf mo sa tagal na wala ka sa kanya kaya ang kalungkutan niya ay hinanap niya sa iba. Kalimutan mo na siya. Mabuti nga’t hindi pa kayo kasal. Ituloy mo ang pagbabago at huwag ng balikan ang droga na nagbigay sa’yo ng ibayong pagdurusa.
Sumasaiyo,
Vanezza