From Kuala Lumpur with love (5)

TUMINGIN kay Jayson ang magandang Pinay, bahagyang ngumiti.

“Ako ‘yung nasa likuran mo sa airplane, miss,” paalala ni Jayson.

 â€œYes, natatandaan kita. Magkasakay tayo sa eroplanong patungo rito sa Kuala Lumpur.”

“Nauna akong bumaba. Gusto kong makipagkilala noon, kaya naghintay ako sa iyo sa ibaba ng plane. Kaso nakalingat ako, hindi kita nakita, nakalampas ka na pala…”

Tumangu-tango ang babae. Sinenyasan si Jayson na maupo. Walang ibang kasama sa breakfast table ang Pinay.

“Thanks. Ako nga pala si Jayson, binata, guwapo sabi ng nanay ko, loveless pero hindi jobless.”

Natawa ang babae.  “May sense of humor ka. Good.”

“At ikaw si--?”

“I’m Geraldine. Single. Frustrated sa pag-ibig.”

“Oh, sorry sa sitwasyon mo, Geraldine.”

Ngumiti ang dalaga, pero nanatili ang lungkot ng mga mata.

Napansin ni Jayson ang kapansin-pansin. “Wala ka pa palang food, Geraldine. Gusto mong ikuha kita?”

Umiling ang kapwa Pinoy. “No, thank you. Hindi ako kumakain…”

Nais mawirduhan ni Jayson. “You probably mean—hindi ka kumakain ng almusal. Siguro’y lunch at supper lang?”

Ngumiti ang dalaga. Iba ang sagot. “Just eat your breakfast, Jayson, I’m okay.”

“Gano’n?” Naisip na lang ni Jayson, bahagi siguro ng diet ng dalagang ito ang pag-skip ng agahan.

Kumain na siya, sa pagitan ng pakikipagkuwentuhan.

“Palagi ka bang nagpupunta dito sa Kuala Lumpur, Geraldine?”

“Hindi. Pero matagal na ako rito.”

“Oh, meaning dito ka nagtatrabaho at dito na nakatira?”

Saglit na natigilan ang dalaga, halatang nag-isip muna ng sagot.

“Well, something like that. Wala na akong work.”

Napaunat ang binata. “N-nag-resign ka?”

Ayaw isipin ng binata na si Geraldine ay nasipa sa trabaho.

Kinlaro. “I’m sure a much better job ang hinahanap mo.”

“Hinahanap ko ang katarungan, Jayson.”

Mabigat ang problema ni Geraldine, natiyak ni Jayson.

(ITUTULOY)

Show comments