Dear Vanezza,
Ako po si Reya, 26, single mother. Pinalayas ako ng mga magulang ko ng mabuntis ako. Mula noon ay nabuhay akong mag-isa. Nagtatrabaho ako bilang time keeper sa isang kompanya at ang sahod ko ay sapat lang sa bayad sa bahay, kuryente, ilaw at sa pangangailangan namin ng anak ko na 3-years old. Nakipag-break ako sa bf ko dahil nagkaroon siya ng ibang gf. Kahit ano ang pakiusap niyang magbalikan kami ay hindi ko siya pinapansin. Ngayon ay nagsisisi ako at parang gusto kong humingi ng tulong sa bf ko. Ang balita ko, single pa rin siya hanggang ngayon. Tama ba kung ako ang magpakumbabang lumapit sa kanya at humingi ng tawad?
Dear Reya,
Siya ang ama ng bata kaya walang masama kung lalapit ka sa kanya at hihingi ng suporta para sa inyong anak. Nadala ka lang ng iyong matinding pride. Lahat tayo ay may kani-kaniyang pagkukulang. Kung marunong tayong magmahal, dapat marunong din tayong magpatawad. Huwag mong solohin ang problema kung may tao namang handang damayan ka. Hingin mo rin ang kapatawaran ng iyong magulang upang magkaroon ka ng kapayapaan sa iyong puso.
Sumasaiyo,
Vanezza