‘The Rainbow (11)’

NATIGILAN si Donna sa sinabi ni William. Pupuntahan daw ng bagong biyudo ang dulo ng bahaghari.

“What?” takang tanong ni Donna. Wala na bang sense magsalita ang lalaking nais niyang mahalin?           

“Sinabi kasi ni Mildred kay Tamara na sa end of the rainbow pupunta ang bata…” paliwanag ni William.

Nawirduhan ang magandang biyuda, saglit na nalimutan ang atraso sa kanya ni William. “Alam mo ba ang sinasabi mo?”

“Alam ko, Donna, kahit pa nga kung iisipin ay imposible…”

“Hindi lang imposible, katawatawa pa, William. Nasa totoo tayong mundo, wala sa daigdig ng pantasya.”

Napabuntunghininga ang bagong biyudo. “I know. Pero gusto ko ngang makita ang anak ko, kahit bilang kaluluwa na…”

“Kung sakali ngang sinabi ni Mildred sa anak mo na sa rainbow ito mapupunta, paano mo naman naisip na puwede mong makita?”

Napailing si William. “Ewan kung puwede, pero my heart tells me na huwag mawalan ng pag-asa.”

Nabagbag ang kalooban ni Donna. “Why don’t you let go? Tanggapin mong maluwag na wala na si Tamara.  Move on, William.”

“Madaling sabihin, Donna. Hindi ka kasi biniyayaan ng anak.”

“Correction, hindi ako ang baog. Ang husband ko ang may diprensiya,” salag agad ni Donna. “Kung wayward ako, nagpaanak na sana ako sa ibang hindi ko asawa.”

Napatanga si William sa biyuda. Bakit ba masyado itong defensive?

“Sinabi ko lang naman na hindi mo nararamdaman ang nadarama ko, sa pagkamatay ng  aking anak…”

Umirap si Donna, kumunot ang noo. “Whatever. Hindi ko nalilimutang ninakawan mo ako ng halik na walang permiso.”

Tuluyan nang lumabas ng silid si Donna. Nilisan na rin ang memorial chapel, nagbububusa sa sarili. “Ano’ng akala sa ‘kin ng William na ‘yon, puwedeng parausan niya? Hoy, kahit mahal kita, William, may dignidad ako. Hindi ako kalabitin.”

UMUULAN nang ilibing si Tamara. Hindi matapus-tapos ang dalamhati ni William. Si Donna ay dumalo sa libing pero nasa malayo, ayaw nang magpakita kay William dahil sa nakaw na halik nito. (ITUTULOY)

               

 

Show comments