‘Hahanapin Kita (31)’
MAKIKITA at makakausap daw ni Gabriel si Carmina, sa tabing dagat ng La Union, sabi ng hindi kilalang texter. Sabihin pa’y intrigang-intriga si Gabriel. Noon pa niya hinahanap ang kaluluwa ng yumaong nobya.
Sino ka? Text back ni Gabriel.
“Ako ang iyong kinasusuklamang anak ni Eba. Pero hindi iyon ang isyu, Gabriel. Bahala ka kung hahanapin mo o hindi si Carmina sa La Union, babuuu.”
Ang hitana ang nakikipag-text, nahulaan ni Gabriel. Gigil siya. Kung katabi lang niya ang misteryosang babae, sinakal na niya ito sa panliligalig sa kanya.
Pero ang kanyang makatwirang isip ay nagtatanggol sa hitana. “Gabriel, nagkita kayo ni Carmina gaya ng sabi ng hitana. Nagkatotoo rin ang sabi niyang magkakalabuan kayo ni Carmina, di ba nga nawala na lang bigla si Carmina…”
Napatuwid ng upo si Gabriel. May katwiran ang kanyang inner self. “Baka tama na naman ang hitana, Gabriel. Baka nga nasa La Union si Carmina. Baka makita mo na siya.”
UMAGANG-umaga’y sakay na ng provincial bus si Gabriel. Magbabakasakali siya, hindi bale nang mahirapan sa napakalayong biyahe makita lamang muli ang yumaong kasintahan.
Sumagi sa isip niya ang isa pang dalagang nawawala sa kanyang buhay. “How I wish magkasama uli tayo sa paghahanap kay Carmina, Sandra…I’m missing you.”
Lumayo sa kanya si Sandra dahil nawalan ng pag-asang iibigin niya, alam ni Gabriel. Di ba nga tahasang sinabi niya sa dalaga na si Carmina lang ang kaya niyang mahalin habambuhay?
Panay ang buntunghininga ng binatang propesor. Ngayon parang pinagsisisihan ang nasabi sa dalagang nagmamahal sa kanya.
GINAYGAY ni Gabriel ang coastal area sa La Union, walang tiyak na tanong sa mga tao. Paano ba niya ipagtatanung-tanong kung nasaan na ang kaluluwa ni Carmina?
Druunng. Druunng. May tumatawag sa cell phone ni Gabriel, wala na namang nakarehistrong pangalan, number lang.
“Hello, who’s this?”
“Go straight ahead, ‘yung kubo sa tabi ng coconut tree.” Nakilala niya ang tinig ng hitana. “Gabriel, naroon si Carmina.” (ITUTULOY)
- Latest