“SANDRA, kinakalabit ka ba ‘ka mo ng ghost—right now?” tanong ni Gabriel sa dalagang mahilig sa mahihiwaga.
Tumango si Sandra, putlang-putla na. “Kinakalabit ako as in…tunay na kalabit, Gabriel, believe me…”
Napalunok ang binatang propesor. “B-babae ba o lalaking ghost?”
“Hindi ko alam, Gabriel. Ayokong lumingon, b-baka kasi makita ko… Ayokong makakita ng multo.”
“W-Wala akong nakikitang image or ghost sa likuran at tabi mo, Sandra. Baka naman ginagapangan ka lang ng langgam or something?”
“Hu-hu-hu-huuu. Walang langgam. Ayoko nang ganito. Mamamatay ako sa takot.” Umiiyak na ang dalaga.
Hindi masabi ni Gabriel na pinipigil lang niya ang takot; na ayaw niyang nasa presencia ng ibang multo.
Si Carmina lamang ang multong katanggap-tanggap sa kanya.
“B-baka si Carmina ‘yan? Baka n-nagseselos sa iyo?”
“Gabriel, lalo mo akong tinatakot. You’re not helping.”
“Huwag kang matakot, baka may ibubulong sa iyo…”
“Eeeeee!” Napatili na sa takot ang dalaga.
“Sorry, I didn’t mean to scare you!”
Nakatingin na sa kanila ang iba pang nasa coffee shop na iyon.
Huminahon naman si Sandra. Nakikiramdam, bukas ang lahat ng senses.
“Gabriel…u-umalis na. Wala na sa tabi ko. Hindi na nangangalabit.” Nabuhayan ng loob si Sandra.
Nabagabag naman si Gabriel. Sa isip na lang sinabi ang hindi masabi kay Sandra. “Paano kung si Carmina nga ang ghost? Paano kung nagseselos nga?”
Selosa si Carmina noong nabubuhay pa, naalala ni Gabriel. Ayaw na ayaw nitong tumitingin siya sa ibang babae; lalong ayaw na may kinakausap siyang magandang dalaga.
“I’m fine now. N-nakatuwaan lang siguro ako ng mga taga-kabila.” Taga-kabilang buhay, ibig sabihin ni Sandra.
Walang masabi si Gabriel.
“Tungkol sa sabi mong baka nagseselos sa akin si Carmina—aaminin kong may crush ako sa iyo, Gabriel. Pero harmless crush iyon, hindi dapat magselos ang multo ni Carmina.” (ITUTULOY)