Napilitang magpakasal

Dear Vanezza,

Ako po si Romcy. Nakapag-asawa ako nang labag sa aking kalooban. Pinilit lang ako ng a­king mga magulang dahil kaibigan ng tatay ko ang tatay ng napangasawa ko at binata pa raw sila ay nagkasundong ipakakasal ang kanilang mga magiging anak. Hindi ako naging maligaya sa asawa ko. Hindi ko naman masisi ang aking tatay dahil patay na siya. Malupit ang asawa ko. Hindi ako pinahahawak ng pera. Basta’t binibili lang niya ang pangangailangan sa aming bahay at paminsan-minsan, ibinibili niya ako ng damit, sapatos at ibang personal na gamit. Hindi ko maramdamang asawa ko siya. Parang alipin ang pakiramdam ko sa aking sarili. Hindi man niya ako pinagbubuhatan ng kamay, masakit naman siyang magsalita. Lagi akong sinisigawan sa konting pagkakamali ko. Minumura niya ako kapag hindi maayos ang bahay o may makita siyang hindi niya gusto. Tatlong taon na kaming mag-asawa at wala kaming anak. Hindi niya ako sinisipingan. Minsan lang may nangyari sa amin at parang sapilitan pa. Anong mabuti kong gawin?

Dear Romcy,

Palagay ko’y labag din sa loob ng mister mo na magpakasal sa iyo. Kung magkagayon, mas makabubuting ipawalang-bisa ang kasal ninyo kaysa patuloy magdusa ang mga damdamin ni’yo. Basta’t mapatunayan na hindi ninyo kagustuhan ang magpakasal at pinilit lang kayo ng inyong mga magulang. Mag-usap kayong mag-asawa at palagay ko’y sasang-ayon siya. Medyo mahirap na proseso ang annulment at magastos. Pero mas mabuti naman iyan kaysa nagsasama kayo habambuhay nang walang namamagitang pag-ibig. Makabubuti ring sumangguni kayo sa abogado. Ang pagpapakasal ng magkasintahan ay dapat may sangkap na pag-ibig. Kung wala iyan, magiging miserable ang pagsasama ng mag-asawa.

 

Show comments