Sinagot kahit ‘di gusto

Dear Vanezza,

Itago mo na lang po ako sa alyas na Rein, 4th year high school. May na­gugustuhan po akong guy, cute siya at matalino. Ang akala ko po, nang una kaming magkalapit ay may gusto siya sa akin. First time ko pa lang siyang makita ay nagka-crush na ako sa kanya. ‘Yun pala gusto niyang ilakad sa akin ang best friend niyang lalaki eh, wala naman akong gusto. Pero dahil crush ko siya at para mapalapit din kami sa isa’t isa, nasagot ko tuloy ang kaibigan niya. Ngayon po, gusto ko nang makipag-break sa friend niya. Magda-dalawang linggo pa lang naman kaming mag-on. Ok kaya kung sasabihin ko ang totoo sa kanya? Tama rin kayang sabihin ko sa crush ko ang tunay na niloloob ng puso ko? Sana po masagot n’yo ako?

Dear Rein,

Mas magiging kum­plikado ang problema mo sa lala­king sinagot mo kahit hindi mo mahal kung magtatagal pa ang inyong relasyon. Masakit marinig ang katotohanan, pero dapat mo itong sabihin kesa magpanggap ka at paasahin siya. Tungkol sa crush mo, sa tingin ko hindi maganda na ang babae ang lumiligaw sa lalaki. Kung may pagtingin ka sa kanya, makabubuti siguro kung magturingan kayong matalik na magkaibigan dahil sa pagkakaibigan kung minsa’y nabubuo ang pagmamahalan. Maganda ring foundation ang friendship para maging matibay ang relasyon ng magkasintahan o kahit ng mag-asawa. Panahon lang din ang makapagsasabi kung mamahalin ka rin ng crush mo pero kung hindi, huwag mong ipilit ang iyong sarili. Ang pag-ibig ay kailangang mutual dahil kung hindi, wala itong kahihinatnang mabuti.

Show comments